ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
HULING MENSAHE PARA SA LAHAT

Baron Geisler to Ping Medina: 'Pare pasensya na'


Isang mahabang mensahe ang ipinost ni Baron Geisler sa kaniyang Facebook account upang ibigay ang kaniyang panig at humingi na rin ng paumanhin sa ginawa niyang pag-ihi sa kaniyang kapwa aktor na si Ping Medina habang ginagawa ang isang pelikula.

Sa kaniyang post na nilagyan niya ng titulong: "HULING MENSAHE PARA SA LAHAT," ikinuwento ni Baron ang umano'y mga pangyayari bago maganap ang naturang insidente sa shooting na ikinakalit ni Ping.

 


Nakasaad din sa post ang naging sitwasyon nang tanggapin niya sa naturang pelikula na pinamahalaan ng mamamahayag na si direk Arlyn dela Cruz.

READ: Direk Arlyn to fellow filmmakers: ‘You don’t need Baron Geisler in your movies’

Nakasaad sa kuwento ni Baron ang ilang sama ng loob tulad nang matagal na paghihintay bago maisalang sa shooting at hindi umano pagsunod ni direk Arlyn sa kanilang usapan.

"Sa pangalawang location, tinanong ko kung kailangan naba ako doon kasi balak ko pa sana magpahinga dahil sobrang sakit na talaga ng ulo ko," ani Baron.

Dagdag pa niya, "Sumagot sila na kailangan na ako doon. Dumating kami sa second loc ng mga bandang 5:30pm, mejo agaw dilim na, maya maya malaman ko na 9-10pm pa pala ako isasalang ulit. Nakakaburat na talaga sabe ko eh ang ganda ng usapan namin ni direk na hahayaan niya ako magpahinga."

Muli ring iginiit ni Baron na nagpasabi siya sa direktor at kay Ping tungkol sa kaniyang gagawin sa eksena, bagaman hindi niya nasabi na pag-ihi ang kaniyang gagawin.

"Yung susunod na scene ipinaliwang na samin ni Direk ang mga gagawin, nag rehearse. Nabitin ako sa gagawin, kaya lumapit ako kay Ping upang sabhin na may ggawin ako sakanya at sana wag siya magalit," ani Baron sa post.

"Ganun din ang ginawa ko kay Direk. Sinabihan ko siya na may gagawin ako ngunit nagmamadali siya para matapos na kami hindi na niya nagawang tanungin kung ano itong gagawin ko at sinabe nalang niya na "Sige gawin mo nalang wag mo na sabihin sakin" bilang isang direktor kailangan alamin mo parin upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari," patuloy niya.

Sa huling bahagi ng naturang post, inamin ni Baron ang pagkakamali kay Ping at humihingi siya rito ng pang-unawa.

"Ganun pa man, alam ko na meron din akong pagkakamali kaya humihingi ako ng tawad kay Ping. Pare pasensya na. Kung ano man ang mga sinabe mo sa media okay lang, at kung ano pa man ang sasabihin mo okay lang din. Alam ko na maayos din ang lahat, aantayin ko nalang yung araw na magiging maayos din ang lahat sa atin," ani Baron. -- FRJ, GMA News

Tags: baronvsping