Jerald Napoles, kabilang sa fans na kumakaway noon kay Vic Sotto sa MMFF Parade of Stars
Nanghihinayang si Jerald Napoles na hindi nakasali sa Metro Manila Film Festival ngayong taon ang Enteng Kabisote 10, kung saan kasama siya at pinagbibidahan ng kaniyang idolo na si Bossing Vic Sotto.
Sa ulat ni Rose Garcia sa Philippine Entertainment Portal nitong Sabado, ikinuwento ni Jerald ang panahon na isinama siya ng kaniyang nanay sa Tondo [Maynila] para manonood ng MMFF Parade of Stars sa Roxas Boulevard, para makita ang mga artistang nakasakay sa kani-kanilang float.
“Dati kasi, sinasama ko ng nanay ko, taga-Tondo kami. Automatic ang nanay ko, kakaladkarin ako, kasama ang lola ko, kakaway kami kina Phillip Salvador, Bossing [Vic Sotto] and FPJ [Fernando Poe Jr.], kakaway ka riyan. Tapos, yung una ko noong last year, nandoon din ako sa tuktok, kumakaway rin ako,” masayang niyang kuwento.
“Pero siyempre, na-appreciate mo na ganun pala ang pakiramdam. Kapag may kumaway, sige kaway, kasi, naalala ko na ganun ako noong bata ako. Madaanan ka lang ng mata, feeling mo nakausap ako ni Vic Sotto, may ganun,” dagdag niya.
Ayon pa kay Jerald, nasubaybayan niya ang Enteng franchise at pati na ang Okay Ka Fairy Ko na pawang pinagbidahan ni Vic.
At mula sa pagiging isang fan, ngayon ay nakatrabaho na niya ang kaniyang idolo sa Enteng 10 and the Abangers, na hinding-hindi raw niya makakalimutan.
“Si Bossing kasi relaxed, lalo na kapag nandiyan sina Kuya Jose [Manalo]. Every shoot, ang masaya, yung tambay namin. Automatic, magkakasama kami sa mesa, nagkukuwentuhan, nagtatawanan, kumakain lang ng siopao," kwento pa ni Jerald.
“Very welcoming yung Vic Sotto, may siopao club kami kami alas-dos na. Para kasi sa amin kapag alas-dos na, sobrang sarap ng siopao ng 7-11 kasi, wala ka ng mabibilhan, wala ka ng choice, kaya yun na ang pinakamasarap na siopao,” patuloy pa niya.
Aminado si Jerald na naging maganda ang taong 2016 sa kaniya, at hangad niyang maging mas bongga pa ang 2017 at mga susunod na taon.
Kasalukuyan nang ipinapalabas sa maraming sinehan ang Enteng 10 and the Abangers. -- FRJ, GMA News