Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jennylyn Mercado’s album ‘Ultimate’ receives Gold Record award


Tatlong buwan lamang mula nang pormal na ilunsad ang kaniyang sixth studio album na “Ultimate,” natanggap na ni Kapuso host-actress Jennylyn Mercado ang Gold Record Award para dito nitong nakaraang linggo.

Kamakailan lamang, ipinaabot ng aktres ang kaniyang pasasalamat sa mga walang sawang sumuporta sa kaniyang music career.

“Thank you po sa lahat ng sumuporta, nag-download, at bumili ng Ultimate Album! Para po sa inyo ito! Love you guys! Thank you, @ivorymusicph,” anang aktres sa kanyang Instagram post.

 

Dalawang taon ang lumipas mula noong huling gumawa ng album si Jennylyn, kaya naman masaya siyang muling makapagbigay-saya sa kaniyang fans na nag-aabang ng mga bago niyang kanta.

Kabilang sa mga awiting maririnig sa “Ultimate” ang carrier single na "Hagdan," isang collaboration kasama si Christian Bautista para sa remake ng "Suddenly," isa pang collaboration kasama naman ang Silent Sanctuary para sa "Bulalakaw," at tatlo pang orihinal na awitin.

Paglalarawan ng Kapuso star sa kaniyang bagong album, "Gusto namin na something different. Iba naman 'yung choices ng music namin. 'Yung past few albums ko, puro love songs na masakit. Ngayon, ibang feel naman. At hindi namin pinilit na gawing related sa buhay ko. Gusto ko na maka-relate lahat ng tao."

"Importante rin sa akin na kapag pinakinggan ko, first few notes pa lang, nakukuha ko na 'yung melody. 'Yung catchy ang music. Importante 'yun, na first few notes pa lang ay interesting na para pakinggan 'yung buo,” dagdag pa niya.

Matapos ang kaniyang matagumpay na pagbabalik sa music scene, abala rin ngayon si Jennylyn sa paghahanda para sa iba pa niyang showbiz projects, kabilang na ang pagbida niya sa Pinoy remake ng hit Korean TV series na "My Love From The Star” kasama ang kaniyang bagong leading man na si Gil Cuerva. —ALG, GMA News