Kinang ng bituin ni Nora Aunor, nakita sa premiere night ng 'Kabisera'
Nananatiling maningning ang bituin ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor sa dami ng dumalo sa movie premier ng kaniyang film fest entry na "Kabisera."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikitang pinagkaguluhan ng fans si Ate Guy sa premiere night ng "Kabisera" na kabilang sa mga kalahok sa Metro Manila Film Festival.
Dahil sa mainit na suporta ng publiko, lalo raw ginanahan si Ate Guy sa kaniyang ginagawa.
"Maraming salamat po at sana po tulungan n'yo kami na maanyayahan lahat ng mga manonood dito sa 'Kabisera' dahil sa talagang kapupulutan ito ng aral, lalo na sa pamilya," paanyaya ng Superstar.
Ipinagmamalaki ni Ate Guy ang mga kasama niyang kabataang artista na nagsiganap bilang mga anak niya dahil magagaling daw ang mga ito.
Hindi naman napigilan ng isa sa mga direktor ng pelikula na mabanggit ang paghanga sa husay na ipinakita ng Nora sa "Kabisera."
"Pinaglakad namin siya ng mahabang-mahaba mula du'n sa kwarto na kinulong siya hanggang pababa, umuulan 'yon," kuwento ni Direk Real Florido.
Patuloy niya, "And pagtingin niya du'n sa ulan, meron siyang makikita, so nakakabilib talaga kung paano ginawa ni Miss Nora Aunor yung eksenang 'yon."
At dahil sa magandang kinalabasan ng kabuuan ng pelikula, nagpaplano na ang producer ng "Kabisera" na si RJ Agustin na muling gumawa ng pelikula para kay si Ate Guy.
Hindi rin tutol si RJ sa plano na plano na magbigay ng thirty percent discount sa bayad sa tiket ng mga manonood na estudyante, senior citizen at person with disability.
"Sang-ayon naman ako do'n kasi siyempre para mas maraming makanood, pati 'yung mga estudyante na alam mo na, gusto nilang matuto, manood ng pelikula ay magkakaroon ng pagkakataon na mapanood lahat [ng film entry]," paliwanag niya. -- FRJ, GMA News