ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Cesar Montano: 'Puwedeng gawin na Universal Studios ang Subic'


Itinuturing ni Cesar Montano na bagong pagsubok ang pagkakahirang sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang chief operating officer ng Tourism Promotions Board (TPB). At para matutukan ang kaniyang trabaho, pahinga raw muna ang kaniyang showbiz career.

Sa artikulo ni Jojo Gabinete sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) na lumabas nitong Biyernes, sinabi ni Cesar na prayoridad niya ang mga responsibilidad na ibinigay sa kaniya ng pangulo.

Nanumpa ang aktor sa kaniyang posisyon nitong nakaraang Martes sa harap ni Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Teo.

Tungkulin ng TPB na nakapailalim sa DOT na gumawa ng mga hakbang para lalo pang mapayabong ang turismo ng bansa.

Kabilang umano sa mga plano ni Cesar ay ang magkaroon ng Disneyland o Universal Studios sa Subic, Zambales.

“Nakasama ko si Chairman Martin Dino of SBMA, interesado siya na magkaroon ng Disneyland o Universal Studios sa Subic, at makikipagtulungan siya sa akin," ani Cesar.

“Puwedeng gawin na Universal Studios ang Subic kasi meron itong airport, may pier, may zoo, may ocean park, tapos may forest, may highway... lahat naroroon,” dagdag pa niya.

Sa ganda ng Pilipinas, wala raw dahilan para hindi mai-promote ang Pilipinas.

Handa raw makipagtulungan at makinig si Cesar sa mga industriya at sangay na may kinalaman sa turismo para maplano ang mga hakbang na kaniyang gagawin.

“Hindi tayo puwedeng magyabang na, ‘Ito ang alam ko, ito ang gawin natin.’

“No, we have to listen to them,” saad ng aktor. -- FRJ, GMA News

Tags: cesarmontano