Alden Richards, sinagot ang intrigang may mystery girlfriend siya
Habang naghahanda para sa 2017 GMA Kapuso New Year Countdown sa Sabado kasama ang ng ilang Kapuso star, sinagot ng Pambansang Bae na si Alden Richards ang intriga tungkol sa umano'y mystery girlfriend niya.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing seryosong sinagot ni Alden ang isyu tungkol sa kaniya umanong mystery girlfriend na lumabas sa column ni Ricky Lo.
Ayon kay Alden, maging ang kaniyang pamilya ay nagulat sa lumabas ang isyu.
"Walang mystery girl, walang mystery girlfriend and wala po akong kakilala from Pampanga or somewhere else. Basta ang alam ko po hindi 'yon totoo," tugon ng aktor.
Makikita umanong nasaktan si Alden sa naturang maling impormasyon na kumakalat pero naniniwala siyang mangingibabaw ang katotohanan.
Paliwanag pa niya, taliwas sa lumabas na ulat na binisita niya ang mystery girl noong desperas ng Pasko, ang kaniyang pamilya ang kasama umano ng aktor sa bahay.
"From the vacation time ng 21 to 30, never po akong nagpunta ng Manila, nagpunta lang po ako ng Manila noong 24 to visit yung restaurant ko po," paliwanag pa ng aktor.
Tungkol sa lumabas na larawan, nilinaw ni Alden na kasama niya sa picture si Bela Padilla na kuha sa broadway pero may nag-edit para alisin ang aktres.
Ang mga netizen umano ang tumulong para malaman kung saan kuha ang naturang larawan.
Ayon kay Alden, tututukan na lang niya ang mga positibong bagay lalo ngayong magba-bagong taon.
Samantala, todo na ang pagsasanay ng mga Kapuso star na magiging bahagi ng GMA Countdown na kabibilangan nina Ruru Madrid, Gabbi Garcia, Andrea Torres, Betong Sumaya, Ken Chan, Ivan Dorschner, Jerald Napoles, Julie Ann San Jose at marami pang iba.
Mapapanood ang Lipad sa 2017 The GMA Kapuso Countdown mula 8:00 p.m. sa Sabado hanggang sa pagpasok ng 2017 sa Mall of Asia. -- FRJ, GMA News