Mga shocking twist at revelation, magaganap sa 'Encantadia'
Dapat umanong abangan ang mga shocking twists at revelations na magaganap sa hit Kapuso fantaserye na "Encantadia." May mga pangunahing karakter din na mapapaslang, at isa na rito ang kanang-kamay ni Pirena.
Sa episode ng "Encantadia" nitong Biyernes, nabasa na ni Pirena [Glaiza de Castro] ang naiwang liham tungkol sa kaniya ni Ynang Minea na itinago ng kaniyang kanang-kamay na si Gurna [Vaness del Moral].
Click here for more of exclusive "Encantadia" videos:
Masakip man sa kalooban, si Pirena mismo ang pumaslang kay Gurna dahil sa kaniyang matinding galit sa ginawa nitong paglilihim.
Ang pagkakatuklas ni Pirena sa sulat ng kaniyang ina ang magiging daan upang muling magsanib-puwersa ang apat na "Sang-gre", na nahaharap sa matinding laban mula sa mas lumakas na puwersa ni Haring Hagorn.
Kasabay nito, nagkita at nagkakilala na rin ang mag-amang Aquil [Rocco Nacino] at nagbabalik na si Amaro [Alfred Vargas].
Pero nasa kampo ni Hagorn si Amaro at hinimok nito ang anak na si Aquil na sumama sa kaniya pero tumanggi ang kaniyang anak.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Direk Mark Reyes na magpapatuloy ang mga rebelasyon, mga hindi inaasahang pangyayari, at mga karakter na masasawi sa "Encantadia" na ikagugulat umano ng mga manonood.
"Masa-shock sila," pagtiyak ni Direk Mark, na nagsabing mayroon pang mga karakter na magbabalik.
"Dumating na si Amaro, may mga kasunod pa kami na magugulat na lang kayo," saad niya.
Ibang-iba raw ang bagong version ng "Encantadia" na napanood noong 2005 at lalo pang magiging kaabang-abang ang mangyayari sa kwento ng "Encantadia." -- FRJ, GMA News