ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
FIND OUT

Sino sa mga 'Sang'gre' ang unang sinabihan ni Kylie Padilla na buntis siya?


 

Kasabay ng pag-amin na buntis siya, ikinuwento ni Kylie Padilla kung sino sa mga kapwa niya Sang'gre sa GMA Fantaseries na "Encantadia" ang unang nakaalam sa kaniyang kalagayan.

Ikinuwento rin ng aktres na natuwa siya sa nating reaksyon ni Aljur  Abrenica nang makumpirmang magkaka-baby na sila.

Sa panayam ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Kylie [gumaganap na Sang'gre Amihan sa "Encantadia"], na nagkaroon sila ng hinala na nagdadalang-tao siya nang maramdaman niya na madalas  siyang napapagod, inaantok, at nasusuka sa taping ng programa.

Napansin din umano ni Aljur na lumakas siyang kumain.

Bukod pa rito, na-delay umano ang kaniyang buwanang "dalaw," na lagi umanong "regular" kaya lalo siyang kinutuban.

Nang magsagawa sila ng "test" gamit ang pregnancy kit, positive ang resulta na nagdadalang-tao siya.

Ayon kay Kylie, "chill" lang si Aljur nang sandaling makumpirma na buntis siya at hindi raw niya ito nakitaan ng pag-aalala.

"Sobrang chill lang niya. Sabi niya, 'o sige magpa-OB na tayo," ani Kylie, sabay sabi na  siya pa nga ang mas nag-alala.

"Nagustuhan ko yung reaction niya kasi yung sa movie...," sabay paggaya ni Kylie sa mga eksena na nagpapakita na nababalisa ang lalaki kapag nalaman buntis ang kasintahan.

Sa kaniya namang mga kapatid na Sang'gre sa "Encantadia", sinabi ni Kylie na si Alena [Gabbi Garcia] ang kaniyang unang sinabihan.

"The first person I told was Gabbi, kasi siya talaga ang pinaka-close ko or pinaka-nakakausap ko sa apat na mga Sang'gre," ani Kylie.

Natatawa pa niyang ikinuwento ang pagiging maasikaso at maalaga sa kaniya ni Gabbi tuwing nasa taping.

"Kapag nagpa-fight scene ako, siya 'Ate Kai, 'yung tiyan mo.' Gumaganun siya. Tapos 'pag standby kami, 'ate Kai upo ka, ate Kai yung steps, ate Kai yung dress [naapakan]," patuloy ni Kylie.

Bukod kina Kylie at Gabbi, gumaganap din bilang Sang'gre sina Sanya Lopez [Danaya] at Glaiza de Castro [Pirena]

Sa episode ng "Encantadia" nitong Huwebes, ipinakita na ang pagkamatay ni Amihan sakabila ng pagsisikap ni Alena na iligtas siya. (WATCH: Ang huling laban ni Amihan hanggang kamatayan)

Samantala, sinabi ni Kylie na ipinaalam niya sa kaniyang ama na si Robin Padilla ang kaniyang kalagayan sa isang dinner at kaagad daw nitong natanggap ang kaniyang magiging apo.

"Nag-dinner kami, pinuntahan ko siya. Alam niya na engaged na ako. Sabi niya, 'Anak, kailangan mo ihanda ang sarili mo sa buhay may asawa kasi hindi siya biro. Huwag mong gayahin ang nangyari sa amin,'" pagbahagi niya.

Patuloy ni Kylie, "Tapos tahimik. Sabi ko, 'Pa, may sasabihin pa ako sa 'yo.' Sabi niya, 'Ano 'yon, anak? Buntis ka 'no?"

Nang  ipakita umano niya ang larawan ng sonogram ng baby sa kaniyang sinapupunan, nagbilin umano si Robin na, 'Anak, alagaan mo ang apo ko ha.'" -- FRJ, GMA News

Tags: kyliepadilla