ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
SA BARANGAY LS97.1

Alamin kung bakit umalis ang 'Wanted Sweetheart' anchor na si Papa Dan


Marami ang nalungkot sa pagkawala ng isa sa mga paboritong anchor ng Kapuso FM radio station na Barangay LS 97.1 na si Papa Dan, o Dan Villanueva.

Noong nakaraang Biyernes ng gabi ang huling pag-upo ni Papa Dan bilang anchor ng patok na programang "Wanted Sweetheart," na ngayon ay inuupuan ng isa ring makulit na DJ na si Papa Obet.

Sa naturang programa, maraming malungkot na puso ang sumaya dahil nakatagpo ng kanilang mamahalin, o kung hindi man ay naging malapit na kaibigan.

Hindi napigilan ni Papa Dan na maging emosyon sa kaniyang huling pag-upo sa naturang programa na ilang taon din niyang pinangunahan.

Pero ang tanong ng marami, "bakit umalis si Papa Dan at nasaan na siya?"

Sa isang Facebook post, sinasabing nasa Australia ngayon ang dating radio anchor.

Samantala, sa  FB live na ipinost ni Papa Dan nitong Huwebes, kinumusta nito ang kaniyang mga tagasubaybay, at nagpasalamat sa mga magpadala ng mensahe at patuloy na nakaaalala sa kaniya.

Dito ay inimbitahan din niya ang kaniyang mga follower na manood ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa darating na Linggo.

Ayon kay Papa Dan, masasagot sa nabanggit na programa ang mga tanong kung bakit siya umalis at saan patungo ang kaniyang buhay sa pag-alis ng Pilipinas.

"Abangan n'yo sa mga nagtatanong ngayon kung nasaan po si Papa Dan at ano ang nangyayari, kayo ang unang makakaalam. Abangan n'yo po sa 'Kapuso Mo, Jessica Soho' on Sunday; kung ano ang mga naganap sa mga nakaraang araw," ayon kay Papa Dan.

-- FRJimenez, GMA News