ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ama ni Mayor Herbert na si direk Butch Bautista, inihatid na sa huling hantungan


Inihatid na sa huling hantungan nitong Huwebes ang namayapang ama ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na dating direktor at konsehal na si Herminio "Butch" Bautista.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing sa necrological services na ginanap sa Quezon City Hall, sinariwa ng mga malapit na tao ang napamaraming magagandang alaala nila para kay direk Butch.

Pumanaw ang 82-anyos na dating direktor at aktor noong Linggo, February 12, matapos ma-stroke.

Sa necrological services, nandoon ang mga anak ni direk Butch na sina Mayor Herbert, Councilor Hero Bautista at actress-producer na si Harlene Bautista.

Dekada singkuwenta nang makilala si direk Butch kasama ang grupong "Lo Waist Gang," na kinabilangan ng namayapang King of Philippine movies na si Fernando Poe Jr.

Sumabak din sa pulitika si direk Butch at naging konsehal ng District 4 ng Quezon City.

Daan-daan katao ang naghatid kay direk Butch sa kaniyang huling hantungan sa Holy Cross Memorial Park sa Quezon City.

Nagpasalamat naman ang pamilya ni direk Butch sa mga nakiramay at nagpakita ng pagmamahal sa sandali ng kanilang pangungulila. -- FRJ, GMA News