John Regala shares unfortunate childhood story: 'Masalimuot ang aking pagkabata'
Isa sa mga hinahangaang artista ang batikang aktor na si John Regala. Pero sa kabila ng kaniyang kasikatan at pagiging anak ng mga dating artista, inilahad ni John ang hirap na pinagdaan bago nakapasok sa showbiz, at ang mapait na nakaraan ng kaniyang kamusmosan.
Si John, o John Paul Guido-Boucher Scherrer, ay anak ng mga dating artistang sina Ruby Regala at Mel Francisco. At kahit na artista ang kaniyang ama't ina, hindi naging madali ang pagpasok niya sa showbiz.
Sa episode ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, nilinaw ni John ang tungkol sa viral photo niya na lumabas sa Facebook na makikita na halos wala na siyang malay.
Marami ang nag-akala na inatake siya sa puso o na-stroke, pero ipinaliwanag ng aktor na maaaring bumaba lang ang kaniyang sugar level nang sandaling iyon.
READ: John Regala, nagpaliwanag sa nangyaring insidente sa viral post sa Facebook
Kasabay ng naturang episode, ikinuwento rin ng aktor ang kaniyang mga pinagdaanan sa buhay tulad ng naranasan niyang pang-aapi sa mga malayong kaanak nang iwan siya ng kaniyang ina para magtrabaho sa malayong lugar.
"Masalimuot ang aking pagkabata. Hindi ako lumaki sa aking ina, hindi ko nakagisnan ang aking ama. Iniwan ako sa malayong kamag-anak. Sa maagang stage ng aking buhay, nakipaglaban na ako sa mundo," aniya.
Pagpapatuloy ni John, "Nakaranas ako ng pang-aapi—hahampasin ng dos-por-dos na may pako sa dulo. Sa loob ng tatlong taon, dalawang pagkain lang ang natitikman ko. Oatmeal at lugaw lang. Mas gusto pa nilang ipakain yung tira nilang pagkain sa pusa at aso kaysa sa akin. Ang katabi kong matulog ay aso."
Kahit na aminado siyang nagkaroon siya ng galit sa mundo, nagpatuloy si John na humanap ng paraan upang makabangon.
Nang muli silang magkasama ng kaniyang ina, sinubok niya ang pagiging "takatak boy" at nag-training din para maging jungle fighter pero hindi niya ipinagpatuloy.
Hanggang sa dumating ang sandali na maisipan niyang pasukin ang showbiz.
"Nakikiusap ako sa mga direktor, 'Kung kailangan niyo ng extra, subukan niyo naman ako. Anak ako ni Ruby Regala.' Ganoon ako ka-confident sa sarili ko," pagbahagi ni John nang mga panahon na tumatambay siya sa Escolta na puntahan ng mga taga-showbiz.
Taong 1980s nang maging bahagi siya ng "That's Entertainment," at mula noon ay nagpatuloy na ang paglabas ni John bilang bida o kontrabida sa iba't ibang serye at pelikula.
Nang dumalang dating ng mga proyekto dahil nasangkot siya sa ilang isyu, nagpatuloy lang siya na makabangon upang makatulong sa kaniyang pamilya at sa mga taong nangangailangan.
"Noong una, hindi ko matanggap. Ang hirap tanggapin, hanggang sa na-realize ko na wala naman akong magagawa. Kahit anong paraan, kung hindi naman itutuloy ng Diyos na mangyari, wala akong magagawa. So tatanggapin ko na lang ang katotohanan na talagang ganito, destiny ito," aniya.
Kasabay ng kaniyang pagbabalik-loob sa Panginoon, itinutuon na rin ngayon ni John ang kaniyang pansin sa iba't ibang gawaing makatao at makakalikasan.Sa ngayon, abala si John sa kaniyang negosyo, environmental projects, at adbokasiya para sa ikabubuti ng mga magsasaka sa Nueva Ecjia.
Aniya, ipagpapasalamat niya kung mabibigyan muli siya ng pagkakataong makabalik sa showbiz, ngunit higit sa ano pa man, umaasa si John na magsilbing leksiyon sa marami ang kaniyang buhay at nawa'y maging inspirasyon rin siya ng patuloy na pagbangon sa kabila ng mga pagsubok. -- FRJ, GMA News