Ryan Agoncillo, nakaharap ang ka-look-alike na si Addy Raj
Agaw-pansin sa nakaraang episode ng "Eat Bulaga" ang pagtatagpo nina Ryan Agoncillo at Addy Raj, na marami ang nakapansin sa kanilang pagkakahawig.
Sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing kasama si Addy sa cast ng "Meant To Be" na naglaro sa segment na "Jackpot En Poy ng "Eat Bulaga" nitong Huwebes.
Pero bago maglaro si Addy, may hirit na tanong si Ryan.
"Can I ask a question to your contestant, who is your father?" tanong ni Ryan kay Addy.
Sumagot naman ang newbie actor ng "Hindi ako sigurado, ikaw ba?
Nangingiting sabi ni Joey de Leon, "Anak ni Ryan 'yan eh."
"Puwede eh," sabi ni Ryan.
Maging ang co-stars ni Addy sa "Meant To Be" ay natuwa sa pagkakahawig ng dalawa.
Si Addy, na mula sa India, ay isang professional track and field athlete.
Nakarating siya sa Pilipinas dahil sa "exchange program" ng kaniyang pamantasan doon, at tuluyan na niyang nagustuhan ang Pilipinas.
READ: How Kapuso artist Addy Raj fell in love with the Philippines
-- FRJ, GMA News