ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
BATANG 'ANTHONY' NOONG 2005

Phytos Ramirez, balik-'Encantadia' bilang binatang si 'Paopao'


Masaya si Phytos Ramirez sa kaniyang pagbabalik sa "Encantadia" pagkaraan ng 11 taon nang gampanan niya ang role bilang batang si "Anthony" noong 2005.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing kabilang si Phytos sa mga bagong karakter na ipinakilala sa mundo ng "Encantadia."

Sa nakaraang episode, nagbalik na ang karakter ni "Paopao" pero hindi na siya ang chubby at cute na batang ginampanan ni Yuan Francisco.

Sa halip, isa na siyang binata na ginagampanan ni Phytos, na hindi makapaniwala na muli siyang magiging bahagi ng requel ng fantaserye.

Noong 2005, nakasama ang bata pa noon na si Phytos sa unang "Encantadia," kung saan ginampanan niya ang role na young Anthony, na naging karakter noon ni Mark Herras.

"Kumuha ako sa kaniya ng mga scene na puwedeng makikita nila ako as Paopao na bata pa rin," ayon kay Phytos.

Nagbalik si Paopao sa Encantadia para hanapin ang nag-alaga sa kanya noon na si Reyna Amihan.

Samantala, lider naman ng tribong Punjabwe na si "Manik," na ginagampanan ni Joross Gamboa.

Ayon kay Joross, dapat daw abangan kung saan sila papanig o kung magkakaroon sila ng mga karelasyon.

Ang Punjabwe warrior na si Azulan na dating ginampanan ng singer na Jay-R, gagampanan naman ngayon ng modelong si Marx Topacio.

Ayon kay Marx, natuwa ang kaniyang nobya na si Maxine Medina nang malaman na kasama na siya "Encantadia" na napanood din umano nito noon.

Magiging kapatid naman ni Azulan si Arra San Agustin, na gaganap sa role na si Arianna, na nais din maging mandirigmang Punjabwe.

Mayroong interesting twist sa kanyang karakter na dapat abangan.

Si Arriana na nga kaya ang sarcosi o reincarnation ni Reyna Amihan? 'Iyan ang ilan lang sa mga dapat abangan sa patuloy na nangungunang "Encantadia."

-- FRJ, GMA News