Alamin kung sinong aktres ang may taglay na 'gandang pang-masa' para kay 'Rogelia'
Kahit babaeng-babae sa kaniyang kilos at salita sa telebisyon, hindi raw hangad ni Sinon "Rogelia" Loresca na maging isang babae. Gayunman, pinangalanan niya ang young actress na hinahangaan niya ang kagandahan na tinawag niyang 'gandang pang-masa.'
FIND OUT: Sino ang tatlong male celebrity na crush ni Sinon 'Rogelia' Loresca?
Sa artikulong isinulat ni Rommel Gonzales sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Huwebes, nahirapan si Sinon na sagutin kung sinong babae ang nais niyang maging kung naging babae siya.
“Ang hirap, e. Kasi lahat magagaling,” sabi ni Sinon.
Nang tanungin naman kung sino ang gusto niyang maging kamukhang babae, sinabi ni Sinon na, "Kasi ang pagkakataong ito, bakla ako, pero ayokong maging babae, e.”
Patuloy ni Sinon sa naturang panayam ng PEP, marami siyang iniidolo.
Kaagad naman niyang tinukoy ang pangalan ng "Destined To Be Yours" leading lady na si Maine Mendoza nang tanungin kung sino sa mga artista siya nagagandahan.

“Kasi ang ganda niya, ito yung sinasabi na gandang pang-masa. Na hindi ka magsasawa. Na hindi ka magsasawa sa mukha niya," paliwanag ni Sinon.
Sinabi rin ng baguhang aktor na bukod sa hitsura, tinitingnan niya rin ang pagkatao ng isang tao.
Balewala umano sa kaniya ang magandang hitsura kung pangit naman ang kalooban.
“Ayokong makakita ng mukha na napakaganda mo, pero ang character mo, hindi maganda. Pangit yun sa akin,” paliwanag niya.
Ayon kay Sinon, perfect para sa kaniya si Maine dahil maganda umano ang lahat pati na attitude, mukha at ugali ng dalaga.
Mapapanood si Sinon sa bagong Kapuso series na "Impostora" na pagbibidahan ni Kris Bernal.
Sa darating na Sabado, March 4, matutunghayan naman ang kwento ng kaniyang buhay sa Kapuso drama anthology na Magpakailanman.
-- FRJ, GMA News