GMA Network, Kapuso personalities recognized in 2017 Readers’ Digest Trusted Brands Awards
Tumanggap ng pagkilala ang GMA Network at ilang Kapuso personalities sa 19th Reader's Digest Trusted Brands Awards ngayong 2017.
Sa awarding ceremony na ginanap nitong Martes sa Pasig City, iginawad sa GMA Network ang Platinum Award in the TV Network, isang patunay na patuloy ang mga Kapuso sa pagbibigay ng mga de-kalidad na programa—mula sa entertainment hanggang sa pagbabalita.
Tumanggap din ng pagkilala ang ilang Kapuso personalities, kabilang na si Jessica Soho, na minarkahan ang ikapitong taon niyang pagtanggap sa Most Trusted News Presenter award.
Iginawad naman sa “24 Oras” anchor na si Mike Enriquez ang Most Trusted Radio Presenter award para sa kaniyang kontribusyon sa mga programa ng DZBB, ang flagship AM radio station ng RGMA.
Ayon kay Soho, "Kapag naririnig ko yung salitang trust, ‘yung tiwala, napakalaking bagay nu'n kasi it’s something that you earn. Hindi mo ‘yan hinihingi, kailangang ibigay sa’yo 'yan."
"Kapag ikaw ay pinagkatiwalaan ng mga nagtitiwala sa isa sa mga pinaka-pinagkakatiwalaang organisasyon tulad ng Readers’ Digest, mas lalong nabubuo ang loob mo sa propesyon mo," pahayag naman ni Enriquez.
Most Trusted Entertainment/Variety Presenter naman ang iginawad sa TV host-actor at “Eat Bulaga!” Dabarkads na si Ryan Agoncillo, na kasama ang kaniyang asawang si Judy Ann Santos sa pagtanggap ng parangal.
"To everyone responsible for naming me the Most Trusted Entertainment Presenter, thank you very much for the trust. It’s something else to be recognized for your efforts and to be true to your work and to yourself,” ayon kay Agoncillo.
Ibinibigay ang mga parangal sa taunang Readers’ Digest Trusted Brands Awards base sa resulta ng Readers’ Digest Trusted Brands Survey, na nagsisilbing respondents ang humigit-kumulang 8,000 consumers sa Asya. — Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News