ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
BAGO MAGRETIRO

AiAi Delas Alas, pangarap na makasama sa isang Hollywood movie


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Itinuturing kauna-unahang Pinay Best Actress sa Queens World Film Festival ang Kapuso star at Comedy Concert Queen na si AiAi Delas Alas nang matanggap niya ang pagkilala ngayong taon para sa kaniyang pagganap sa pelikulang "Area."

Binigyang-buhay ng aktres sa naturang pelikula ang karakter ng isang ageing prostitute, na isa umano sa mga pinakamahirap na role na kaniyang ginampanan sa loob ng ilang dekada niya sa showbiz.

READ: AiAi delas Alas, inilahad ang kaniyang next dream role matapos maging 'prosti' sa pelikulang 'Area'

Aniya sa isang panayam nitong Huwebes, "God's gift ito. Regalo ni Lord ang pagkapanalo ko. Sino ba namang mag-aakala na mananalo ako doon, hindi ba? Ang dami-daming magagaling na nominees."

Kabilang sa mga kasama niyang nominado sa Best Actress category sina Karin Hanczewski, Dorothea Hagena, at Amy Redford, ang anak ng batikang Hollywood actor na si Robert Redford.

"Naiyak ako at nagpasalamat sa Diyos, kay Mama Mary. Umiyak lang ako, walang salita. Minsan kasi, kapag sobrang ligaya mo, 'yung heart mo na lang ang maririnig. Wala ka nang masabi. I'm so grateful and blessed na nabigyan ako ng international award," ayon kay AiAi.

Matapos ang naturang panalo, hangad ng "Sunday Pinasaya" star na magkaroon ng pagkakataong makasama sa isang Hollywood film.

Pangarap daw niya na maranasan ang paggawa ng pelikula sa Hollywood bago siya mag-retire sa showbiz.

Birong tanong ng Kapuso host-actress, "Puwede bang mag-apply sa Hollywood?"

"Kahit support lang, basta may isang movie ako sa Hollywood. Gusto kong ma-experience talaga. Para masabi ko naman na may nagawa akong iba. Gusto kong mapag-aralan kung paano ang pamamalakad sa Hollywood—mula acting hanggang pakikisama sa set," pagpapatuloy niya.

 

 

Ipinagpapasalamat ni AiAi ang karangalang ibinigay sa kaniya ng Queens World Film Festival ngayong taon, at nangako siyang patuloy na gagawa ng mga makabuluhang pelikula.

Pakiusap niya sa mga kababayan, tangkilikin din ang talentong Pilipino sa kanilang sariling bayan.

"Tuwing naiisip kong mag-retire, ang daming nangyayari sa akin. Siguro marami pa talagang plano si Lord para marami pa akong matulungan," ayon kay AiAi.

Pagtatapos niya, "This is a humbling experience na makakuha ako ng ganito. Parang nire-remind ako ni Lord na always be humble and always be magnanimous in your victory. Kahit marami nang award, mas importante pa rin siya at ang pakikipagkapwa-tao. Para ito sa ating lahat na mga Pilipino. Sana tangkilikin natin ang mga pelikulang Pilipino." 

Maliban sa kaniyang pagbida sa "Sunday Pinasaya" at "Hay Bahay," mapapanood din si AiAi sa isang Lenten special episode na inihanda ng "Eat Bulaga!" ngayong taon. -- FRJ, GMA News