'Bliss' movie ni Iza Calzado na binigyan ng X-rating ng MTRCB, isasalang sa second review
Isasalang sa ikalawang pagsusuri ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang psychological thriller movie na "Bliss," na pinagbibidahan ni Iza Calzado matapos itong mabigyan ng "x-rating" sa unang review.
Sa Starbites report ni Aubrey Carampel sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing ang "Bliss" ay isa sa mga Pinoy indie film na isinabak sa nakaraang Osaka Film Festival sa Japan.
Ang "Bliss" ay kuwento ng isang aktres na naging film producer at nagkaroon ng mga makapanindig-balahibong karanasan kasunod ng isang aksidente.
Kinilala sa naturang festival ang husay sa pagganap ni Iza na ginawaran ng "Yakushi Pearl Award" o pagkilala bilang Best Performer.
Pero nang isailalim sa review ng MTRCB para maipalabas sa Pilipinas, binigyan ito ng "x-rating," na ang ibig sabihin ay hindi puwedeng ipalabas sa mga sinehan.
Sa phone interview, ipinaliwanag ni MTRCB chair Maria Rachel Arenas na, "There was a prolonged realistic depiction of sexual activity, parang prolonged frontal nudity, a lot of profanities."
Ayon pa kay Arenas, sinuring mabuti ng tatlong miyembro ng board ang pelikula at dalawa sa kanila ang nagbigay ng "x-rating", at isa naman ang nagbigay ng "R-18."
"The MTCB naman po, I can assure you, that we are rating in a more reasonable manner," dagdag ng pinuno ng MTRCB.
Tumangging magbigay ng pahayag ang direktor ng pelikula na si Jerrold Tarog, pero sinabi nito sa social media accounts ng 'Bliss," na naiintindihan nila ang desisyon ng MTRCB.
Nagsumite na umano sila ng apela para sa second review, at sinabi ni Arenas na isasagawa ito ng limang miyembro ng board sa susunod na linggo.
"If the second review ay matutuloy next week, the reviewers naman will rate it or classify it based on our rules and based on our mandate," pagtiyak niya. -- FRJ, GMA News