Ang kuwento ng peklat sa likod ng tattoo na nasa ibaba ng tiyan ni Sinon Loresca
Sa pagbisita ni 'Pareng' Sinon Loresca sa programang "Tonight With Arnold Clavio," ibinahagi niya ang ilang detalye sa nakaraan ng kaniyang buhay. Kabilang dito ang kuwento ng peklat sa ibaba ng kaniyang tiyan na natatakpan ng tattoo.
Sa nakaraang episode ng TWAC, ipinakita ni Sinon, unang nakilala bilang si "Rogelia" sa kalyeserye ng "Eat Bulaga," ang peklat sa ibaba ng kaniyang tiyan na pinatungan ng tattoo.
Ang naturang peklat ay marka ng operasyon nang alisin ang isa niyang bato [kidney] na ibinigay niya sa kaniyang kapatid na nasa London.
Ayon kay Sinon, hindi siya nagdalawang-isip na i-donate ang isa niyang kidney sa kapatid dahil alam niya na tatlong tao ang matutulungan niya, patungkol sa pamilya ng kaniyang kapatid.
"Nagka- chronic kidney disease po siya...ayaw po niyang magkaroon ng dialysis so sabi ko naman tatlong pamilya ang isi-save ko, tatlong buhay, mag-isa lang ako. So I'm willing to give one of my kidney," kuwento niya.
"At the end of the day, pamilya ang matutulungan ko, kapatid ko 'yon, kadugo ko 'yon, ako mag-isa lang ako," dagdag niya.
Dahil sa London nakatira ang kaniyang kapatid, kinailangan niyang magpunta roon at naging tahanan din niya bago siya muling bumalik sa bansa.
Pero bago nito, naranasan din ni Sinon na tumira sa Payatas sa Quezon City kung saan nangalakal siya ng mga basura para kumita.
Kuwento niya, malaki ang kinikita niya sa pangangalakal na kung minsan ay umaabot umano ng P3,000 sa isang araw kung marami siyang nakukuhang tanso.
"Alam n'yo po ba na P380 ang kilo ng tanso?, ito po yung sa wire. 'Pag ganun, tiba-tiba ako, ang laki ng perang nauuwi ko," kuwento niya.
Ang hirap sa buhay na pinagdaanan ang isa raw sa dahilan kaya nagbibigay siya ng pagkain sa mga taong nakikita niya sa lansangan, lalo na ang mga bata.
"Hindi ko naman sinabi na yumaman ako, nagkaroon lang ako ng bagay na pwede kong i-share sa iba," paliwanag niya.
Click here for more of GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News