Ken Chan, nagdadala na ng pito o silbado dahil sa naranasang lindol
Ibinahagi ng Kapuso actors na sina Ken Chan at Ivan Dorschner ang kanilang karanasan sa naganap na lindol na naramdaman sa Metro Manila nitong Sabado.
Sa ulat ni Cata Tibayan sa "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Ken na nagmamaneho siya sa Nagtahan Bridge sa Maynila nang maramdaman niya ang paggalaw ng tulay dahil sa lindol.
"Ang una kong ginawa, tinawagan ko 'yung family ko. Tinanong ko kung okay lang sila," sabi ni Ken na unang pagkakataon daw na makaranas nang malakas na lindol.
Dahil dito, nalaman daw ni Ken ang kahalagaan na hindi mag-panic at ang pagdadala ng pito o silbato.
"Once natabunan ka ng mga mabibigat na bagay, natabunan ka ng... nasa ilalim ka ng lupa, hindi maririnig 'yung sigaw mo eh. Pero once na pito yung ginamit mo, made-detect ka," paliwanag ni Ken.
Samantala, si Ivan naman ay nasa kanyang condominium sa Quezon City nang mangyari ang lindol.
Naalala raw niya ang malakas na lindol na naranasan niya sa Los Angeles City noong apat na taong gulang pa lang siya.
Sabi ni Ivan, lagi daw nakahanda ang emergency bag niya para sa ganitong sakuna.
"First aid kit, poncho, money both currencies... malapit din 'yung passport ko kumbaga if I need to go talaga in mga two minutes, 'yon talaga kukunin ko," sabi ni Ivan.
"Kailangan may meeting place kayo na doon kayo magmi-meet na kahit anong mangyari," dagdag pa niya. -- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News