Rich Asuncion, ibinahagi ang kaniyang dream wedding
Ngayong engaged na ang "Ika-6 Na Utos" star na si Rich Asuncion at Filipino-Australian boyfriend na si Ben Mudie, ang sunod na tanong ay kung kailan at saan magaganap ang kanilang kasal.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Rich hindi pa rin siya makapaniwala sa ginawang pagpo-propose ng nobyo.
Ginawa kasi ni Ben ang proposal sa set ng "Ika-6 Na Utos," at naging kasabwat niya at unang nakaalam ng plano ang aktres na si Sunshine Dizon.
"Wala talaga 'kong idea. Hindi ko alam na may ganu'n pala siyang mga drama-drama. Kasi very ano 'to eh, ayaw niya yung nagse-celebrate kami ng anniversary," ayon kay Rich.
Sinabi naman ni Ben kung gaano niya kamahal si Rich.
"I look back to nu'ng panahon na wala kaming work, wala kaming pera, nag-aaral pa ako. Sobrang saya ko no'n kasi she's all I had naman and parang that's when I realized na gustung-gusto ko siya. Sobra, mahal na mahal ko siya," paglalahad ni Ben na umaming naiyak din siya nang gawing niya ang proposal.
Posibleng next year daw maganap ang kasalan pero wala pang eksaktong petsa.
"Gusto ko destination wedding. Gusto ko yung medyo outdoor kasi ganun kami wala paki. Gusto ko yung nakapaa lang yung guests," anang aktres.
Isang beach wedding naman ang naiisip ni Ben. -- FRJ, GMA News