Anak ng 'Sugod-Bahay' winner na walang trabaho, pinag-apply ni Vic sa 'Eat Bulaga'
Dahil may edad na, hindi na nagtatrabaho ang ginang na "Sugod-Bahay" winner at kaniyang mister na dating overseas Filipino worker. Kaya naman umaasa ang mag-asawa sa kanilang solong anak na si Niño, na nagkataon na walang trabaho sa ngayon.
Nang malaman ni Bossing Vic Sotto kung ano ang tinapos na kurso ni Niño, hinikayat niya itong mag-apply sa "Eat Bulaga."
Wala mang pangako na siguradong matatanggap si Niño, sinabi ni Vic na maganda na magbakasakali ito at baka makapasa at matanggap sa trabaho sa noontime show.
Bukod pa ito sa mga papremyong handog ng mga dabarkads sa mag-asawa na maaari nilang magamit na pangnegosyo at pambili ng mga gamot, maliban pa sa ibinibigay na "Bossing Savings" ni Vic.
Pero bago ang magandang alok kay Niño, hindi siyempre mawawala ang pampasayang hirit ni Bossing sa anak ng "Sugod-Bahay" winner. Panoorin ang masayang tagpo sa barangay.
-- FRJ, GMA News