ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Heart Evangelista,  nag-alaga ng mga bata sa 'Follow Your Heart'


Dahil sa mga karanasan sa kaniyang bagong reality show na "Follow Your Heart," nagiging handa na raw si Heart Evangelista na maging mommy.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing mala-extra challenge ang pinagdaanan ni Heart sa kanyang immersion bilang host ng "Follow Your Heart."

Inakyat ni Heart ang isang matarik na bundok para puntahan ang bahay ng pamilya Calina, kung saan aalagaan niya ang sampung anak ng mag-asawa.

Kasama rito ang nagpaligo ni Heart sa mga bata at pagpapakain sa mga alagang manok ng pamilya.

"Okay silang mga bata, mababait sila and very responsible," pagpuri ng TV host-actress sa mga bata.

Sa naranasan daw ni Heart, alam daw niya na handa na rin siyang maging isang ina bagaman may ilang pag-aalala.

Ito rin naman daw ang kaniyang ginagawa ngayon sa mga anak ng asawang si Senator Chiz Escudero kapag wala ang mister.

"Ipinagkatiwala sa akin ni Chiz na kapag wala siya ako ang nasa bahay," aniya. "Malaki na rin iyong growth ko so I think I'm ready."

Kababalik lang ni Heart mula sa bakasyon nila ni Senator Chiz sa Europe pero sumabak na kaagad siya trabaho.

Bukod sa "Follow Your Heart," sumabak na rin si Heart sa taping ng "Mulawin vs Ravena,"  kung saan gumaganap siya bilang si Alwina.

Ibinalita rin ni Heart na may isa pa siyang primetime show na dapat abangan. -- FRJ, GMA News