Why Jennylyn asked dad to come back to PHL for good
Makalipas ang halos isang dekada mula nang huli silang magkita, magkasama na muli si Jennylyn Mercado at ang kaniyang biological father na si Noli Pineda sa Pilipinas.
Ilang taong naka-base sa Korea ang ama ng aktres bago niya ito imbitahang tumira na lamang sa bansa kasama ng kanilang pamilya.
Paliwanag ni Jennylyn, nais niyang mayroong makasamang kamag-anak sa kanilang tahanang matapos pumanaw ang kaniyang adoptive mother na si Mommy Lydia noong nakaraang taon.
"Lagi kaming nagfe-Facetime ni Papa. So noong New Year, sinabi ko sa kaniya, 'Pa, wala na akong kasama dito. Ako na lang mag-isa.' Ang hirap nang mag-isa ka lang lalo na't lumalaki si Jazz. Lagi pa akong nasa trabaho. Hindi ako makapante," kuwento ng aktres sa isang panayam nitong Miyerkules.
Pagpapatuloy niya, "Sabi ko sa tatay ko, baka puwedeng samahan niya na lang ako dito kasi mahirap na wala akong kamag-anak. Wala naman akong kapatid, o mga tito at tita dito, o kahit malalayong relatives. Kinausap ko siya na baka puwedeng samahan niya ako dito, at pumayag naman siya."
Laking pasalamat umano ni Jennylyn na pumayag ang kaniyang ama na bumalik sa Pilipinas, lalo na't kailangan rin ng makakasama ng kaniyang unico hijo na si Alex Jazz.
Ayon kay Jen, "Madalas silang magkasama lalo na't bakasyon. Kapag wala ako, kapag nasa taping, silang dalawa 'yung magkasama palagi... (Otherwise), magkausap kami araw-araw, kakain kami nang sabay-sabay."
Dagdag pa niya, "Napakabait na tao niya kaya hindi ko masyadong nararamdaman 'yung pag-aadjust. Buong buhay ko, hindi ko siya nakasama. Ngayon lang kami nagkaroon ng chance na tumira sa isang bahay, kaya ina-anticipate ko talaga na may adjustment. Pero wala naman. Comfortable kaming magkasama, walang ilangan."
Lumaki si Jennylyn sa kaniyang tito at tita na sina Roger at Lydia Mercado.
Matapos mamaalam ang kinikilalang ama ng aktres noong 2008, pumanaw na rin si Mommy Lydia sa edad na 74 nitong Oktubre ng nakaraang taon. —JST, GMA News