Paano mo malalaman kung may ginagawang kababalaghan si mister?
Ibinahagi ni Sunshine Dizon ang ilang mga tips para malaman kung may ibang babaeng kinalolokohan ang inyong mister.
Sa programang "Tonight with Arnold Clavio" nitong Miyerkules, sinabi ni Sunshine na dapat mag-isip-isip ang mga misis kung napapansin nilang iba-iba na ang oras ng uwi ng kanilang mister.
"May Waze naman, pwede mo i-send ang location. O mga misis... alam niyo na, may Waze. Sa Waze, pwedeng i-send ang location, pag ayaw i-send, alam na. Pag iPhone ang telepono, may Find My iPhone, pwedeng ilocate, pag ayaw, alam na," paalala ni Sunshine.
Kung trabaho naman ang dahilan ni mister, ibang usapan ito para kay Sunshine.
"Lumang tugtugin na 'yan. Kausapin mo 'yung boss, pag ayaw ipakausap sayo, alam mo na," sabi pa ni Sunshine na Emma sa patok na Afternoon Prime Series na "Ika-6 Na Utos."
Dapat rin daw maalarma ang mga maybahay kung madalas na nagpapalit ng passcode sa cellphone ang kanyang asawa, kapag binubura ang history ng text messages o tawag sa cellphone at kung nagpalit ng pabango, hairstyle at porma si mister.
Isang sensyales din daw na may kabit si mister kung may iniiwasan itong mall, restaurant o kaya'y hotel.
Kung panay naman daw ang labas kasama ang barkada, depende raw sa sitwasyon kung tama bang magduda si misis.
"OK lang na lumalabas ang barkada kung ganoon ba talaga sila before. Kunyari kayong mag-asawa madalas kayong lumalabas naman with friends tapos all of a sudden 'di ka na sinasama, ibang usapan 'yon," ani ni Sunshine.
Binigyang-diin din ni Sunshine ang mga pagkakataong nababawasan na ang "intimate moments" ng mag-asawa.
"Mafifeel mo, iba naman 'yung pagod o busy lang," sabi pa niya.
Basta para kay Sunshine, "Pag gusto madaming paraan, pag ayaw madaming dahilan." —Anna Felicia Bajo/JST, GMA News