Ang drawing na apple at ang naging laban ni Ryza Cenon sa depresyon
Lingid sa kaalaman ng marami, dumaan sa matinding depresyon o kalungkutan ang "Ika-6 Na Utos" star na si Ryza Cenon. Alamin kung papaano nakatulong sa aktres ang isang fan at ang pagpipinta para malampasan niya ang pagsubok sa buhay na nagsimula sa pag-drawing ng mansanas.
Sa nakaraang episode ng programang "Tunay Na Buhay" ni Rhea Santos, ibinahagi ni Ryza ang mga dahilan ng kaniyang depresyon at kung papaano nakatulong ang isang tagasuporta niya para mailabas ang mga negatibong naramdaman sa buhay.
Ayon sa aktres, maliban sa problema sa career, sa buhay, at sa sarili, nakaramdaman ng pangunulila at pag-iisa si Ryza dahil hindi buo ang kanilang pamilya.
Bunso si Ryza sa dalawang magkapatid, at pumanaw ang kaniyang ina nang tatlong-taong-gulang pa lang siya.
Nang magkaroon ng sariling pamilya ang kaniyang ama, naiwan na siya sa pag-aaruga ng kaniyang lola Aida.
Ayon kay lola Aida, mabait na bata, tahimik, hindi palakibo, pero mahilig magluto ang apo.
Madalas din daw na nasa kuwarto lang ang dalaga.
Nang hindi na umano kinaya ni Ryza ang depresyon, nagkulong na siya sa kaniyang kuwarto na madilim at hindi siya nagbubukas ng ilaw.
"Hindi na talaga ako naliligo, hindi ako kumakain, hindi ako lumalabas ng kuwarto ganun," pagbahagi ng aktres.
Nakaranas daw ng maging pangungulila at pag-iisa ang aktres sa paghananap ng kaniyang pamilya na batid niyang hindi na mabubuo.
"Alam mo yung parang gusto mong maging perfect yung family mo pero wala ka na ring magagawa dahil yung mom ko patay na, yung dad mo may sariling family na, so parang ikaw... paano?," patuloy niya.
Nagsimula raw ibaling ni Ryza ang kalungkutan sa pagpipinta sa tulong ng isang fan na nakita niya sa Facebook na mahusay mag-drawing.
"Nagpapunta ako ng isang supporter ko na magaling mag-drawing. Nakita ko siya sa Facebook sabi ko, 'punta ka naman sa house. Puwede bang turuan mo akong mag-drawing," kuwento ni Ryza.
"Tinuruan niya akong mag-draw lang ng apple. Apple lang tapos after nu'n, naisip ko, 'bakit hindi ko i-try na mag-paint,'" patuloy niya.
Nagsimula raw si Ryza sa paggamit ng water color, at pagkatapos ay gumamit na siya ng oil, hanggang sa mag-acrylic.
"Tapos 'yon, du'n ko na lang nilabas lahat negative na nararamdaman ko," ayon kay Ryza.
Ngayon, masaya na si Ryza sa kaniyang buhay at maging sa kanilang love life sa piling ng nobyong si Cholo Barretto.
Panooring ang buong bahagi ng naturang panayam kay Ryza:
Click here for more of GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News