Mga machong aktor, may sweet Mother's Day messages para sa kani-kanilang ina
Sa likod ng kaniyang "hunky image," sweet and close sa kaniyang mommy na si Tina Monasterio si Derrick. Si Sancho Delas Alas naman, hindi lang daw pang-best actress ang dapat na award sa inang si AiAi.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago nitong Biyernes sa "24 Oras," sinabing kahit puyat sa taping ng "Mulawin Vs Ravena," maagang gumising ni Derrick para makabonding ang ina.
Ayon sa aktor, depende sa kaniyang naipon ang regalo na ibinibigay niya sa kaniyang ina.
"'Pag walang ipon, like ano na lang, cake na lang or flowers," aniya.
Sinabi ni mommy Tina na mula nang mag-showbiz si Derrick, laging may regalo sa kaniya ang anak kapag may okasyon tulad ng Mother's Day at Christmas.
Nang magbigay ng mensahe si Derrick para sa ina, hindi napigilan ni Tina na maging emosyonal.
"'Wag ka nang masyadong mag-alala sa 'kin ma, kasi 'pag umuwi akong late sa gabi, lagi lang naman akong...," naputol na mensahe ng aktor dahil naiiyak na ang ina.
Patuloy ni Derrick, "Kung akala mo naiinis ako sa mga guidance mo, hindi. Sinasapuso ko 'yon kaya as much as possible binabago ko 'yung small, little things. I love you."
Sa huli, may sorpresang maliliit na regalo sa Derrick sa kanyang ina katulad ng mga bulaklak, t-shirt na may nakasulat na 'world's best mom,' at isang 'I love mom' coffee mug.
Samantala sa isang episode ng programang "'iJuander," isang video message naman ni Sancho ang ipinapanood kay AiAi para sa maagang pagbati ng Mother's Day.
"Alam mo namang mahal na mahal na mahal na mahal ka namin. At gusto kong magpasalamat dahil never mo kaming pinabayaan, kaming magkakapatid, we love you," pahayag ni Sancho sa ina.
Patuloy nito, "Hindi ka lang pang best actress, best nanay in the world pa."
Sa naturang episode, sinabi ni AiAi na handa siyang mag-'work to death' para mabigyan ng maginhawang buhay ang lima niyang anak.
"Lahat, patol. Lahat ng raket, go. Hanggang ngayon ganun pa rin naman ako. Work, work to death," masayang pahayag ni AiAi.
"Gusto ko marami akong trabaho, dahil gusto kong mabigyan ng mabuting buhay ang mga anak ko," dagdag niya. -- FRJ, GMA News