Dahil buntis at kailangang doble pag-ingat laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), sa bahay naghatid ng kaniyang "Chika Minute" report para sa "24 Oras" news nitong Miyerkules si Iya Villania. Pero habang nagre-report biglang may sumulpot.

Dahil sa pinaigting din na community quarantine sa Luzon, ilang kompanya ang nagpatupad ng "work from home" program sa kani-kanilang mga manggagawa para hindi mahirapang pumasok sa trabaho at makaiwas sa virus.

Si Iya, mas dobleng pag-iingat ang dapat gawin upang makaiwas sa peligrosong virus dahil buntis siya.

Sa isang special episode ng "Sumbungan ng Bayan," sinabi ng isang duktor na mas madaling tamaan ng COVID-19 ang mga buntis.

ALAMIN: Mga buntis, mas madali nga bang tamaan ng COVID-19?

Sa pambungad na ulat ni Iya sa "Chika Minute," may hawak pa siyang sandok na patunay na nasa kanilang bahay siya at biglang sumulpot ang mister niyang si Drew Arellano.

"Sandali lang, kailangan mo nang magluto," natatawang sabi ni Drew kay Iya habang nakikita sa camera.

"Ebidensiya ito, may nanggugulo rito," masayang sabi naman ni Iya tungkol sa pagsulpot ng kaniyang mister.

"Ano ba nasa TV tayo, 'wag ka ngang magulo," patuloy na kulitan ng mag-asawa at itinuloy na ni Iya ang kaniyang pagiging host ng segment.

At sa Chika Minute report naman ni Aubrey Carampel, ipinakita kung papaano ginugugol ng ilang celebrity ang kanilang oras sa panahon na naka-quarantine.

Si Yasmien Kurdi, pinagkaabalahan ang pagba-vlog at pag-asikaso sa kaniyang mag-ama.

Si Chariz Solomon naman, ang pagiging tutor sa mga anak ang pinagkaabalahan habang walang taping at nasa bahay lang.

Dahil hindi rin puwedeng magpunta sa gym sa panahon ng quarantine at malaki ang peligro na mahawahan ng virus, sa kani-kanilang bahay naman nagwo-workout ang ilang celebrity para mapalakas ang kanilang resistensya at pangangatawan.

 

--FRJ, GMA News