Sa espesyal na handog ng "Sumbungan ng Bayan," nagbahagi ng tips ang isang duktor para sa mga buntis kung paano sila makaiiwas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Sinagot din ang tanong kung mas madali nga bang mahawaan ng virus ang mga nagdadalang-tao.

Ayon kay Dr. Genevieve Gualberto-Astrologio, OBGyne ng SafeBirth Lying in Clinic, mas madaling mahawaan ang mga buntis sa impeksiyon dahil kailangang magtrabaho nang doble ang kanilang immune system para rin sa dinadala nila sa sinapupunan.

Mayroong bahagi umano ng immune system ng buntis ang "lowered down" at mayroon din namang "heightened" kaya mas madali silang tamaan ng impeksiyon.

Tulad ng ibang nag-iingat sa virus, hinihikayat silang gumamit ng protective equipment tulad ng mask, maghugas nang maigi ng kamay gamit ang sabon at tubig, at iwasan ding hawakan ang mukha.

Ipinayo rin ni Dr. Astrologio na uminom ng maligamgam na tubig, magpahinga at regular na uminom ng vitamins tulad ng Vitamin C.

Panoorin ang buong video tungkol sa ginawang pagtalakay sa naturang paksa.--FRJ, GMA News