Isa na ngayong bus driver at frontliner sa Scotland sa United Kingdom ang dating miyembro ng dating dance group na Streetboys na si Spencer Reyes.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nagtatrabaho ngayon si Spencer bilang bus driver ng isa sa mga pinakamalaking bus company sa UK.

Bukod sa pagsasayaw, pinasok din noon Streetboys ang pag-arte.

Pero noong taong 2008, lumipad patungong England si Spencer para magtrabaho. Matapos ang tatlong taon, kinuha na niya ang kaniyang pamilya sa Pilipinas.

Taong 2014 nang lumipat na sila sa Scotland.

"Okay naman po kami dito, masaya. Siyempre kahit paano naitatawid namin 'yung pang-araw-araw, which is nagpapasalamat kami kay God," sabi ni Spencer, na mayroong tatlong anak.

Kahit nakatapos ng nursing sa Pilipinas, nag-aral din siya ng engineering sa Scotland.

"Ang trabaho ko dito is I'm driving a bus, nagtatrabaho po ako dito sa one of the biggest company dito sa U.K." saad niya.

Ngayong panahon ng pandemic, kabilang si Spencer sa mga frontliner sa Scotland na naghahatid ng mga medical practitioner sa mga ospital.

Inamin ni Spencer na nami-miss din niya ang showbiz.

Naaalala pa ng dating Streetboys dancer ang sumikat nilang love team noon ni Aiza Seguerra, na ngayo'y Ice Seguerra na.

"Nasa Eat Bulaga kami, inakbayan ko siyang ganiyan, naka-on na 'yung camera, kumakanta kami and then suddenly bigla ko siyang hinalikan sa pisngi. Parang iba 'yung ano, nanlilisik 'yung mata niya sa akin," natatawang kuwento ni Spencer.

Sa isang panayam, ikinuwento ni Ice ang naturang insidente.

"Hindi ako handa na akbayang ganoon, alam mo 'yung parang automatic gusto mo (sikuhin)," sabi ni Ice sa isang episode noon sa GMA.

Pero sabi ni Spencer, nagkakaroon naman sila ni komunikasyon ni Ice sa Instagram at Facebook.

Ayon pa kay Spencer, nagsasayaw pa rin sila ngayon ng kapwa niya dating Streetboys member na si Michael Sesmundo kapag naiimbitahan sila sa Filipino communities sa England at iba pang bansa sa Europe.--Jamil Santos/FRJ, GMA News