Sa tell-all video na ipinost sa kanilang YouTube channel, inihayag sa publiko ng 22-anyos na anak ni K Brosas na si Crystal na isa siyang lesbian.

Nangyari ito sa pagdiriwang ng ika-45 kaarawan ng komedyante, pero ikinukonsidera niya itong magandang regalo para sa anak.

Ayon kay K, batid na niya noon pang high school si Crystal ang tungkol sa sexual preference ng anak.

"Sa mga nagtatanong, matagal ko nang alam. High school pa lang alam ko na 'yan bilang nanay," saad niya.

Pero hindi raw siya nagalit at tinanggap niya ang kagustuhan ng anak bilang isang mapagmahal na ina.

"Anak kahit ano pa, kahit halamang dagat ka pa, mamahalin kita. Kasi that's you know, unconditional love bilang magulang eh," patuloy niya.

Humingi pa siya ng paumanhin sa mga taong posibleng hindi siya maunawaan.

"Nag-iisang anak ko 'to eh, kung anong gusto niya, susuportahan ko tulad ng kanyang music, pagko-compose, napakagaling sumayaw, nagigitara left and right ambidextrose," masayang sabi ni K.

Ayon kay K, nagpasya sila na isapubliko na ang sexual preference ng anak matapos niya itong tanungin kung nais na niyang mag-come out.

"Umiyak siya, sabi niya oo. Gusto raw talaga niya sabi ko gusto mo ba galing sa 'kin para wala nang echos-echos. Sabi niya oo, iyak lang siya nang iyak," kuwento ni K.

Batid umano ni K na may mga taong magiging negatibo ang reaksyon sa pag-amin ng anak.

"Mas importante kaligayahan ng anak ko eh. Ito ang gusto niya so wala kayong pakialam," saad niya. "So here we are, I love my daughter and alam ko na po ito years ago and I support her."

May mensahe rin si K sa mga magulang na hindi matanggap ang sexual preference ng kanilang anak.

"Please sa mga parents na nagtatakwil sa mga anak nila dahil 'di nila kaya sa paninindigan nila na bakla, tomboy or whatsover 'yung anak nila maawa naman po kayo sa mga anak niyo kasi anak niyo yan eh," sabi ng komedyante.

"I'm doing this kasi gusto ko mamulat. Nabo-bother ako sa mga magulang na dinidisown yung mga anak nila or to think artista ako I know," patuloy niya. — FRJ, GMA News