Inilahad ni Zoren Legaspi kung paano niya inihanda ang kaniyang pamilya bago pa man nagkaroon ng COVID-19 pandemic, tulad ng hindi paggastos sa mga hindi naman kailangan.
"Hindi mo kailangang maghintay na magkaroon ng ganitong pandemic. So whether there's a pandemic or none, dapat lagi kang prepared," sabi ni Zoren sa Kapuso Showbiz News.
"Ang situation namin is, na-prepare ko 'yung family in a sense of kung ano mang kinita namin sa commercials, it was invested and it was saved. Hindi siya ginastos ng kung anu-ano," dagdag ng aktor.
Higit 10 taon na raw ang pamilya Legaspi sa tinitirahan nilang bahay sa Pasig City.
"Wala naman kami balak lumipat sa mga first-class subdivision o first-class condominiums, in order to save money. Ang foresight ko nu'n is to save up para kung meron man mangyari, somewhow hindi ka magwo-worry, you have enough time to recover," sabi ni Zoren.
Nagbiro rin si Zoren na ibibenta na lang niya ang kaniyang mga anak na sina Mavy at Cassy kapag nagtagal pa ang pandemic.
"If ever mag-prolong itong pandemic na ito at umabot ng year 2021, we can sell Maverick first, ibenta natin si Maverick. Ganu'n din ibebenta mo na si Cassy," anang aktor.
Nagpasalamat naman si Carmina sa pagiging masinop ng kaniyang asawa.
"Magtipid, mag-save talaga for the future. Katulad ng sinabi ni Zoren na sa pamilya nga, siya talaga 'yung sine-secure ang future namin," sabi ni Carmina.
"'Yung iba kasi sinasabi lang pero hindi ginagawa. Thankful ako dahil si Zoren talagang ganiyan, hindi siya nag-antay ng kalamidad, ng pandemya para lang mag-save up," dagdag ni Carmina, na nagpaalalang huwag balewalain ang kalusugan at finances. – Jamil Santos/RC, GMA News