May kuwento sa likod ng ilang pangalan. Gaya na lang ng pangalan ng GMA News anchor na si Pia Arcangel na hango pala sa isang Santo. Pero tama kayang may kaugnayan sa agham ang pangalan ni Atom Araullo? Alamin.
Sa isang newscast ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, napag-usapan ng mga anchor na sina Pia, Atom at Vicky Morales ang kuwento sa likod ng kani-kanilang pangalan.
Ayon kay Pia, ang pangalan niya ay isinunod sa santo na si Padre Pio, dahil hirap umano noon ang kaniyang ina na magbuntis.
Tinanong naman ni Vicky si Atom kung may kaugnayan sa science ang kaniyang pangalan na patungkol sa chemical elements.
Pero paliwanag ni Atom, hango ang palayaw niya sa dalawa niyang pangalan na Alfonso Tomas.
Ang Alfonso at Tomas ay mga pangalan daw ng kaniyang dalawang lolo.
Sa episode naman ng "The Howie Severino Podcast," nilinaw din ni Atom na wala rin kaugnay ang palayaw niya sa August 21 Movement, isang protest group na nabuo matapos patayin si dating Senador Ninoy Aquino noong August 21, 1983.
"I was born in 1982 so it has nothing to do with the August 21 movement. I was born before Senator Ninoy was assassinated," paliwanag niya.
Sa naturang episode ng "24 Oras," natatawang inamin ni Vicky na hindi pa niya natatanong sa mga magulang niya kung bakit iyon ang ipinangalan sa kaniya.
Pero paglilinaw niya, gusto niya ang kaniyang pangalan. --FRJ, GMA News