Pumanaw na ang batikang aktres na si Cherie Gil, at kinumpirma ito ng kaniyang pamangkin na si Sid Lucero kay Lhar Santiago ng GMA News.
Wala pang ibinibigay na ibang detalye.
Nitong nakaraang Pebrero, marami ang nagulat nang naging cover Mega Magazine si Cherie na walang buhok.
“Out with the old, in with the new, but this time, with even greater purpose. One of the most celebrated actresses in Philippine cinema, Cherie Gil shakes off her iconic villainess persona to start a new chapter of hope and positivity,” saad sa caption ng magazine sa Instagram account.
Nag-post din si Cherie ng naturang larawan sa kaniyang Instagram.
Sa caption, sinabi ng aktres na nasa New York City siya nang panahong iyon.
“I didn’t think this would actually happen!! Being in NYC at the moment when I was asked to grace yet another Mega magazine cover. This time for their 30th anniversary edition,” ani Cherie.
Inihayag niya dito ang kaniyang lungkot sa nangyari sa kaniyang career noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ibinenta umano niya ang lahat at lumipad sa New York. Sa kaniyang pagsisimula sa NY, sinabi ni Cherie na iniwan niya ang lahat pati na ang mga lumang damit “that symbolized a past life,” pati na rin ang kaniyang buhok.
“What’s hair diba? It grows back. It’s symbolic to my personal growth. When a woman is in distress, she cuts her hair,” ani Cherie.
Si Cherie ay anak ng mga sikat din na artista noon na sina Rosemarie Gil at Eddie Mesa. Kapatid niya sina Mark Gil at Michael De Mesa.
Huling TV drama series ni Cherie sa GMA Network ang "Legal Wives" na ipinalabas noong July 2021.
Kabilang sa markadong role niya si Lavinia Arguelles sa pelikulang “Bituing Walang Ningning,” kung saan binitiwan niya ang hindi malilimutang linya na, “you’re nothing but a second-rate, trying hard copycat!”– FRJ, GMA News