Nostalgic para kay Dennis Trillo ang pagganap niya bilang si Ned Armstrong sa inaabangang live-action adaptation na "Voltes V: Legacy." Nagboses na kasi siya noon kay Steve Armstrong, at napiling gaganap sana bilang Prince Zardoz nang unang planuhin ang sikat na Japanese anime series.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing break muna sa sinaunang panahon ng "Maria Clara at Ibarra" si Dennis sa kaniyang pagtalon sa "Voltes V: Legacy."

"Sobra [akong fan]. Actually nagboses na rin ako ng Voltes V dati bilang Steve Armstrong. Sobrang nostalgic," sabi ni Dennis.

Bago nito, kasama si Dennis sa original cast noong unang pinlano ang Voltes V: Legacy 10 taon na ang nakararaan, at siya sana ang gaganap bilang si Prince Zardoz.

Pero sumabay na rin sa pag-usad ng panahon ang pag-iiba ng cast.

Ngayon, gaganap si Dennis bilang si Ned Armstrong, ama nina Steve, Big Bert, Little John at ni Prince Zardoz.

"Bumagay din naman kahit paano dahil through the years, nandoon na 'yung maturity ko sa aking features at sa experiences at sa pag-acting na rin," sabi ni Dennis.

"Kaya kahit paano hindi naman ako nahirapan sa pagganap ng role na 'yun dahil napakaimportante rin ng character na 'yun sa kuwento ng Voltes V," patuloy niya.

Si Martin del Rosario na ang gaganap na si Prince Zardos.

Gaganap na asawa ni Dennis sa Voltes V: Legacy si Carla Abella, bilang si Mary Ann Armstrong, isang scientist at ina nina Steve, Big Bert, at Little John.

Sabi ni Carla sa naunang panayam, “Napakalaking blessing sobra, iyon po ang nagpapasaya sa akin ngayon talaga, nagpapangiti sa akin ng malaki.” --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News