Carla Humphries, may nilinaw tungkol sa kanila ni Wil Dasovich
Dating nga ba ang dating aktres na si Carla Humphries at vlogger na si Wil Dasovich? Ito ang binigyang linaw ni Humphries sa kaniyang YouTube channel nitong weekend.
Nag-post si Carla ng isang video na pinamagatang “Dear Wil, may aaminin ako,” kung saan ikinuwento niya kung paano sila nagkakilala ni Wil at ang kanilang status ngayon.
“I met you, Wil, the year you moved to Manila from the States,” saad niya.
“It was at a friend’s birthday, and you were a hyper dude bouncing off the walls, eager to make your presence felt and make your mark in the world,” dagdag pa niya.
Ibinahagi ni Carla kung paano niya nasaksihan ang paglalakbay ni Wil sa buhay--mabuti man ito o masama.
Nakita rin daw niya ang lahat ng nangyari kay Wil—mula sa pagiging isa sa mga unang vlogger sa Pilipinas, pagsali sa isang reality TV show, hanggang sa ma-diagnose na may cancer at malampasan ito.
Aniya pa, matapos mapanood si Wil na umunlad sa pagiging vlogger, na-inspire raw siyang simulan ang kaniyang YouTube channel para ikuwento ang kaniyang buhay.
“You encouraged me to speak my mind, and you helped me squash all my doubts and fears [about] content and creation, and that is a priceless gift,” sambit pa ni Carla.
Sa pagtatapos ng video, tiniyak ni Carla ipinagpatuloy niya ang kaniyang pagsuporta kay Wil bilang isang kaibigan.
“Thank you for all the adventures, beshy,” aniya pa.
Nagsimula ang bali-balitang nagde-date ang si Carla at Wil nang bumisita silang dalawa sa Urban Lights ng Los Angeles.
Ipinakilala rin ni Wil si Carla sa kanyang pamilya at dinala siya sa kanilang LA adventures.--FRJ, GMA Integrated News