Kabilang na ang Lucena City, Quezon sa mga lugar sa bansa na nagdeklara kay Pura Luka Vega, o Amadeus Fernando Pagente, bilang persona non grata o hindi katanggap-tanggap na magpunta sa kanilang lugar.

Sa Facebook post ni Lucena City Councilor Benito "Baste" Brizuela Jr., inihayag niya na inaprubahan ng konseho ang resolusyon para ideklarang persona non grata ang drag artist.

"With the support of the Sanggunian, naipasa po natin ang Resolution Declaring Amadeus Fernando Pagente aka. Pura Luka Vega as PERSONA NON GRATA in the City of Lucena," saad sa post ni Brizuela noong Martes.

Ayon pa sa konsehal, kaisa ng mga Filipino ang mga lokal na opisyal ng lungsod "sa pagtindig sa tama at pagprotekta ng integridad ng bawat isa."

Umani ng batikos ang drag performance ni Pura na nakabihis siya na tila santo habang may tugtog na rock remix ng Ama Namin.

Ilan pa sa mga lugar sa bansa na nagdeklarang personal non grata kay Pura ay ang Lungsod ng Maynila, General Santos City, Floridablanca sa Pampanga, Toboso sa Negros Occidental, Laguna, Nueva Ecija, Cagayan De Oro at Bohol. --FRJ, GMA Integrated News