PEP: Daboy to get Ulirang Artista posthumous award from PMPC
Bago pa namayapa ang aktor, prodyuser, at lider ng industriya na si Rudy Fernandez, napili na siya ng officers and regular members ng Philippine Movie Press Club (PMPC), para sa taong 2008, bilang recipient ng natatanging gawad-pagkilala, ang Ulirang Artista Award. Taun-taon ay ibinibigay ito ng nasabing entertainment writers' club sa ginaganap na parangal para sa mga mahuhusay na pagganap, istorya, pelikula at mga teknikal na aspeto sa pagggawa ng pelikula, ang Star Awards for Movies. Kabilang sa pamantayan ng PMPC para sa mataas na karangalang ito ay ang body of work ng tatanghaling Ulirang Artista (sa pelikula), kredibilidad, at mga natamong parangal o iba pang pagkilala, bilang film practitioner (actor or producer). Mahalaga rin ang mabuti niyang imahe, bilang alagad ng sining at kabahagi ng industriya ng pelikulang lokal. Kabilang sa mga nahirang na Ulirang Artista ng mga nagdaang taon ang tulad nina: Dolphy, Eddie Garcia, Joseph Estrada, Susan Roces, Ramon Revilla, Armando Goyena, Boots Anson-Roa, Perla Bautista, Eddie Rodriguez, Charito Solis, Armida Siguion-Reyna, Gloria Romero, German Moreno, Chichay, Gil de Leon, Leopoldo Salcedo, Alicia Vergel, Anita Linda, Mona Lisa, at Rosa Rosal. Lingid sa kaalaman ng karamihan, tatlong taong gulang pa lamang nang magsimulang umarte sa pelikula si Rudy Fernandez (higit ding nakilala sa palayaw na Daboy); ito'y sa Luksang Tagumpay noong 1956. Ang pelikula'y idinirek ng ama ni Daboy na si Gregorio Fernandez. Sa kanyang pagbibinata, napanood naman siya sa mga pelikula under Sampaguita Pictures ilan dito'y ang For You, Mama (1970) at Sweet Matutina (1976). Karamiha'y teen support roles ang ginawa niya sa simula ng dekada '70 (kasikatan noon ng young stars/love teams na tulad nina Nora Aunor at Tirso Cruz III, Vilma Santos at Edgar Mortiz, Hilda Koronel at Jay Ilagan, atbp.), hanggang sa dumating ang pinakamalaking break niya bilang isang action star nang gawin niya ang Bitayin Si Baby Ama (1976), kapareha ng noo'y top female sex symbol na si Alma Moreno. Naka-relasyon ni Daboy si Alma at nagkaroon sila ng isang love child noong 1979 ang aktor na rin ngayong si Mark Anthony Fernandez. Nagsimula ang pagiging top male action star ni Daboy, with Baby Ama. At simula rin ito ng pagiging seryosong aktor ni Rudy Fernandez. Bilang multi-awarded actor, nagwagi si Rudy ng mga sumusunod na parangal: FAMAS Best Actor at Film Academy of the Philippines (FAP) Best Actor para sa pelikulang Batuigas II: Pasukuin Si Waway (1984), FAMAS Best Actor muli para naman sa pelikulang Victor Corpuz: The Rebel Soldier (1987), at Best Actor award muli from FAP para naman sa pelikulang Birador (1998). Para rin sa Waway filmbio nagwagi si Rudy Fernandez sa 1st Star Awards for Movies, noong 1985, making him the first Best Actor awardee ng Star Awards. He also earned a number of Best Actor nominations mula sa FAMAS, para sa: Bitayin Si Baby Ama;, Anak Sa Una, Kasal Sa Ina (1981); Pepeng Shotgun (1981); Sumuko Ka, Ronquillo (1983); Lumuhod Ka Sa Lupa (1987); Sandakot Na Bala (1988); Ipaglalaban Ko (1989); Kaaway Ng Batas (1990); Tumbasan Mo Ng Buhay (1993); Matimbang Pa Sa Dugo (1995), at Birador. Ang kanyang tatlong Gawad Urian best actor nominations ay para sa: Pepeng Shotgun, Kaaway Ng Batas (1989), at Diskarte (2002). Sa huli ay nominado rin siya bilang best actor, sa FAP. Ang Diskarte at Hula Mo, Huli Ko (entry sa 2002 Metro Manila Filmfest) ang dalawa sa pinakahuling mga pelikulang nagawa ni Rudy Fernandez, sa panahong humina sa takilya ang mga pelikulang aksiyon. Nakilala rin si Daboy sa pagbibigay-buhay sa pelikula ng ilang controvesial figures. Ginawa niya ang Bingbong: The Vincent Crisologo Story (1991), Markang Bungo: The Bobby Ortega Story (1992), Lagalag: The Eddie Fernandez Story (1984; filmbio ng kilalang amang aktor ni Pops Fernandez), at Ping Lacson Story (2000), also an MMFF entry). Sa pag-lie low sa paggawa ng action films, nakalabas sa mga programa sa telebsiyon si Rudy, tulad ng Kasangga (1999), Da Boy En Da Girl (2002, kasama si Rosana Roces), Twin Hearts (2003), Now and Forever (2006), at ang telefantasyang Atlantika (2006). Pawang lahat ng mga TV shows na ito ay sa GMA 7 niya ginawa. Mahusay ring pinamahalaan ni Rudy bilang three-term president ang Kapisanan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon (KAPPT). Naging producer din ng ilang mga pelikula under his own Reflection Films (notably Kaaway Ng Batas) kunsaan maraming taga-industriya ang nabigyan ng trabaho. Noong November, 2007 ay ginawaran si Daboy ng FAMAS ng Fernando Poe Jr Memorial Award sa Le Pavillion sa Roxas Boulevard, Manila. Sa sumunod na buwan, December, 2007, ay pinagkalooban naman siya ng FPJ Lifetime Achievement Award, ka-tie si Director Celso Ad. Castillo, ng mga bumubuo ng Luna Awards (bagong pangalan ng FAP Awards), sa Club Filipino, Greenhills, San Juan City. Ngayong 2008, it's PMPC's turn to honor Mr. Rudy Fernandez bilang (posthumuous) recipient ng Ulirang Artista Lifetime Achievement Award, isa sa pinakamataas na karangalang iginagawad sa mga natatanging artista sa pelikulang Pilipino. Produksiyon ng GARP Events Productions, ang 24th PMPC Star Awards for Movies ay gaganapin sa June 27, 2008, sa Henry Lee Irwin Theater, Ateneo De Manila University, Loyola Heights, Quezon City, sa ganap na ika-6 ng gabi at mapapanood sa June 29, sa Channel 2, simula ika-10 ng gabi. Ang maningning na pagtatanghal ay mula sa choreography ni Ms. Maribeth Bichara at sa direksiyon naman ni Arnel Natividad. - Philippine Entertainment Portal