ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mark Anthony returns to work after dad's death


Ilang araw pa lang ang nakalilipas mula nang mailibing ang ama ni Mark Anthony Fernandez na si Rudy Fernandez. Pero tulad ng gustong mangyari ng yumaong aktor sa kanyang mga mahal sa buhay, life must go on. Nagkaroon ng pagkakataon ang PEP (Philipine Entertainment Portal) at ang iba pang entertainment press na kumustahin si Mark Anthony sa grand press conference ng Ako Si Kim Samsoon sa The Glass Garden, sa may Santolan, Pasig City kagabi, June23. "Okay naman po ako. Generally po, okay na hindi okay," pahayag ng young actor. Ayon sa direktor ng Ako Si Kim Samsoon na si Dominic Zapata, tila wala raw nangyaring hindi maganda kay Mark kung professionalism ang pag-uusapan. "Totoo po yun," pagsang-ayon naman ni Mark Anthony. "Alam ko po na noong nangyari sa amin yun [pagpanaw ng kanyang ama], parang ako, ano ang gagawin ko? Magte-taping ako? Parang ang bigat-bigat ng katawan ko. Hindi ako handa. "Pero inalala ko na lang ang mga bilin sa akin ni Papa. Kapag trabaho, trabaho. Kahit ano pa ang situwasyon, hindi mo dapat dalhin yung problema sa trabaho mo. So, inilagay ko lang sa isip ko yun. Inaalala ko lang palagi si Papa at, luckily, maganda ang resulta. Nakita ko yung gusto niyang ipakita sa akin." After nine days, nagsimula na rin daw siyang bumalik sa trabaho at nag-taping na for Ako Si Kim Samsoon. Hindi itinanggi ni Mark na naging mahirap talaga sa kanya sa simula. "Sobrang hirap po talaga noong una. Two nights before, hirap na hirap ako. Inalala ko lang talaga yung bilin sa akin ng tatay ko at nakatulong pong talaga. Habang ine-execute ko ang mga eksena, binabasa ko ang script. Nakikita ko at nadarama ko yung bilin niya at naiintindihan ko na tuloy," lahad niya. Aminado si Mark na bago pa namayapa ang ama, may ipinangako siya rito na gagawin. "Meron po...meron po talaga. Nangako ako na aalagaan ko ang mga anak ko. Magpapakabait na akong tao. Yun talaga ang kabilin-bilinan niya. At sa trabaho ko, palagi raw akong magtatrabaho, maging masipag daw ako. Lahat ng mga ibinilin niya bago pa siya magkasakit, iniipon-ipon ko na at kinukumpol-kumpol ko po," saad niya. Para kay Mark, ang inspirasyon niya sa lahat ng ginagawa niya ngayon ay ang kanyang ama. "Lahat po ng ginagawa ko, inaalay ko sa kanya, after the Lord, siyempre." REMEMBERING DABOY. Tinanong ng PEP si Mark kung may mga pagkakataon pa rin ba na bigla na lang siyang maiiyak at maaalala ang kanyang namayapang ama. "Generally, hindi pa talaga ako okay," pag-amin niya. "Pero kailangan ko lang talagang maging okay at mahalin ang trabaho ko katulad ng ibinibilin ni Papa. Para mahalin din daw ako ng trabaho ko." Dagdag niya, "Minsan may mga pagkakataon na para akong nai-struck. Sinabi nga po sa akin ng isang kaibigan na, ‘Kalimutan na natin yung nangyari sa papa mo. Kalimutan mo na siya.' Pero sabi ko, ‘Hindi. Hinding-hindi ko makakalimutan ang tatay ko. At hindi ako papayag na makalimutan.' "At kung magiging problematic ako sa araw-araw ng buhay ko para lang maalala ko siya, e, okey lang. Magiging problematic na lang ako sa araw-araw basta nakikita ko ang mukha niya sa mata ko." Naniniwala raw si Mark sa mga paramdam ng mga namayapa na. Feeling daw niya, palagi siyang binabantayan ng ama. In fact, may pagkakataon na nagparamdam na si Daboy sa kanya. "May ikukuwento akong isang part, pero yung ibang part, hindi ko na ikukuwento. Siguro mga five or ten minutes after niyang magpaalam, narinig ko siya sa left ear ko. Nagba-‘bye Mark' siya sa akin." MARK ANTHONY TURNS COMEDIAN. Comedy si Mark ngayon sa Kim Samsoon. Kung titingnan, puwedeng sabihin na advantage sa part niya dahil light naman ang ginagawa niya ngayon. Pero aniya, "'Eto nga ang masakit diyan. Actually, after ng Kamandag, tinatanong ako kung ano ang gusto kong gawin. Sabi ko, comedy-comedy. Sinasabi nila na, ‘Ganito ka Mark, ganyan ka.' So sabi ko, kung ganoon, gusto kong mag-comedy kasi comedy raw ang pinakamahirap gawin. So sabi ko, para maipakita ko ang worth ko, gusto kong mag-comedy. "Kaso, tiyempong-tiyempo naman nang gumagawa na kami ng comedy, natiyempo naman yung kay Papa. So, ang hirap! Kaya sabi ko, parang napahamak yata ako. Pero inaalala ko na lang talaga yung lahat ng sinasabi ni Papa." Kung pagiging komedyante ay masasabing natural na komedyante ang papa niya na si Rudy Fernandez. Feeling naman daw ni Mark, namana niya ang trait na yun ng ama. Feeling ko po, komedyante rin akong katulad niya. Gusto ko lang din magpatawa, ‘yun po." FIRST TIME WITH REGINE. First time naman nila ni Regine Velasquez na magkasama sa isang project at magkapareha pa. Para kay Mark, the best daw ang Asia's Songbird. "More than what I expected. Kasi ang galing po niya. Ang galing niya!" bulalas ng young actor. SECOND CHANCE. Pagkatapos ng mga nangyaring hindi maganda kay Mark in the past, nabigyan siyang muli ng second chance ng GMA-7. Ngayon ay mas nakikilala pa siya bilang malalim at mahusay na actor sa kanyang henerasyon. Sa Ako Si Kim Samsoon ay na-elevate siyang muli sa leading-man status. "Truly honored! Truly, truly grateful also because I was also given the chance to pay back to them. Dati kasi, naging sakit ako ng ulo sa kanila. And now, heto, nakakabawi na ako sa kanila. Kaya mahal na mahal ko talaga ang GMA, for life!" tahasan niyang pahayag. - Philippine Entertainment Portal