ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Chika: Vic Sotto challenges Dolphy to double wedding


Tapos na ang shooting nina Comedy King Dolphy at Comedy Prince Vic Sotto sa kanilang fist movie team-up na “Dobol Trobol." Ang tanong ng ilan: Mauwi kaya ang magandang samahan ng dalawang komedyante sa double wedding? Sa Chika Minute portion ng 24 Oras nitong Miyerkules, ikinuwento ng dalawa kung gaano sila nag-enjoy sa shooting ng kanilang pelikula. Katunayan, hindi nga raw nila naramdaman na tapos na ang kanilang shooting. Marami rin daw pagkakataong hindi nila mapigil ang tawanan sa set lalo na kapag nagbabatuhan sila ng mga linya sa eksena. “Yung unexpected na bibitawan (yun linya) yun ang nakakatawa. Kasi yun hindi akalaing bibitawan ganun," sambit ni Pidol. Hirit naman ni Vic tungkol kay Dolphy: “Sa pag-play nya ng karakter. Sa pagdeliber ng lines at pag-react nya ano, master na nya." Hindi rin daw nila makakalimutan ang eksena kung saan may guest appearance sa movie ang kanilang mga love ones na sina Pia Guanio at Zsa Zsa Padilla. “One shooting day lang naman yun at that day sila yung reyna," ayon kay Vic. Idinagdag naman ni Dolphy na labis na nag-enjoy ang kanilang mga mahal sa buhay. Ang tanong, mauwi kaya sa double wedding ang kanilang pagsasama sa “Dobol Trobol?" “Biro ko nga kay Dolphy na kapag pwede ka na (ikasal kay Zsa Zsa) sige sabayan na kita double wedding na tayo," kwento ni Vic. Sagot naman ni Dolphy: “Sabi ko bakit sasabayan mo ko…e kung hindi matuloy yun sa’ken paano? Di mo rin itutuloy sa’yo?.. aba, nandyan yata si Pia sige ka." Nasaktan sa isyung flop ang EB sa US Hindi rin itinago ni Vic ang sama ng loob nya na isinulat ng isang entertainment editor ng isang tabloid na nag-flop o hindi pinanood ng mga tao ang show ng Eat Bulaga! sa US. Ang naturang artikulo ang naging dahilan kung bakit nag-resign ang kaibigan niyang si Joey de Leon bilang columnist ng Manila Bulletin na sister publication ng tabloid na Balita. “E kung totoo (na hindi flop) bakit 10 libo lang ang dumating (sa venue) ang capacity 18 libo. Hindi nya naman naintindihan, dapat alamin mo kung ilang tiket ba ang ibinenta," ayon kay Vic. Maging si Dolphy ay hindi naiwasang magkomento sa nasabing isyu at magulat kung papaano naging flop ang isang show na pinanood ng 10,000 tao. “Sampung libo ang nanood flop ba yun? Susmaryosep ilang libo ba ang gusto nyang manood? Ano baseball ba yun? hirit ni Dolphy. - GMANews.TV