Robin Padilla changes diet, workout routine for ‘Sundo’ and ‘Totoy Bato’
Lumutang lalo ang kaguwapuhan ng action superstar na si Robin Padilla sa bago niyang look para sa pelikulang Sundo ng GMA Films. Nagpa-military cut si Binoe at mas malaki ang katawan niya ngayon. Ayon kay Binoe, tawag kay Robin sa showbiz, pinaghandaan daw niya talaga ang naturang pelikula pati na sa nalalapit niyang series na Totoy Bato sa GMA-7. Nag-iba na rin daw siya ng kanyang diet at paraan nang pagwu-workout dahil sa role niya sa parehong project. "Nagpalaki ako talaga ng katawan kasi nga military man ako sa Sundo at sa Totoy Bato naman, boksingero ako. Kaya hindi ako nagpapayat âtulad nang ginawa ko sa Joaquin Bordado. Talagang kumain ako ng mga nakakapagpalaki ng katawan. "Pati ang workout ko, matitindi rin. Kailangan kasi pumuputok ang mga muscle ko sa katawan. Dapat yung malaki akong tingnan kaya heto, unti-unti ko nang nakukuha yung tamang laki," pahayag ni Robin sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa solo presscon na ibinigay sa kanya ng GMA Films last Thursday night, September 18. Malapit na palang matapos ang Sundo na idinidirek ni Topel Lee, na siya ring director ng hit horror movie na Ouija. Very pleased nga raw si Binoe sa outcome ng pelikula dahil matagal daw siyang hindi nakagawang horror movie at konti lang daw ang mga action scenes niya sa pelikula. "Huling horror movie na ginawa ko ay yung Kulimlim," banggit ng action superstar. "Ngayon lang ulit nangyari na kakaiba itong pinagawa sa akin. May mga action scenes din naman ako, pero hindi marami. "Mas maraming acting talaga. Yung mga galaw ng mata, pagbigkas ng mga dialogues. Magagaling kasi ang mga kasama ko rito sa pelikula kaya dapat makipagsabayan tayo sa kanila." Kung tutuusin ay award-winning actor na si Binoe, pero gusto pa rin niyang matuto sa mga kasama niya sa pelikula. "Hanga ako sa mga kasama ko rito âtulad nina Sunshine [Dizon], Katrina [Halili], at Rhian [Ramos]. Magagaling sila at nakakabilib. Talagang gaganahan kang umarte kapag mga tulad nila ang kasama mo sa pelikula. "Ako naman, parati akong open na matuto sa mga kasamahan ko sa pelikula or telebisyon. Hindi naman tayo sobrang magaling na artista. Nagkakataon lang na magaganda ang mga proyekto na naibibigay kaya pinapaganda natin nang husto ang performance. Marami pa tayong gustong matutunan pagdating sa pag-arte at saan pa natin matututunan âyan kundi sa mga nakakasama natin parati, di ba?" Ipinagmamalaki rin ni Binoe ang pagiging semi-finalist ng kanyang leading lady sa Joaquin Bordado na si Iza Calzado sa International Emmy Awards. "May sinabi ako kay Iza noon na sana ay maalala niya. Noong ginagawa namin yung Joaquin Bordado at napanood ko kung gaano siya kahusay sa mga eksena niya, nasabi ko sa kanya na hindi lang mga Pinoy ang hahanga sa pinakita niyang husay sa pag-arte kundi pati na ang ibang tao sa iba't ibang parte ng mundo. "Kaya noong malaman ko na naging semi-finalist siya, natuwa talaga ako kasi tama ang nasabi ko sa kanya. Pang-international talaga ang husay ni Iza at ipagpatuloy niya âyan dahil marami pang magagandang roles na darating sa kanya," pagtatapos ni Robin. - Philippine Entertainment Portal