PEP: Marian Rivera mum on rumored breakup with non-showbiz boyfriend
Sa isang magandang bahay sa Vermont Park, Antipolo City ginanap ang first shooting day ng One True Love noong September 24. Tampok sa pelikulang ito na joint venture ng GMA Films at Regal Entertainment sina Marian Rivera, Dingdong Dantes, at Iza Calzado. Ito ay mula sa direksiyon ni Mac Alejandre. Ayon kay Marian, bagamat nakagawa na sila ni Dingdong ng dalawamg magkasunod na serye na parehong No. 1 one sa ratings, Marimar at Dyesebel, iba pa rin daw ang excitement kapag pelikula ang ginagawa nila. "Actually, ibang-iba talaga ang movies sa soap, e. Yung movie, dibdiban talaga kung dibdiban. Parang hindi mo puwedeng ibalewala lahat ng eksena mo," paliwanag ni Marian nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal). Pagkatapos maurong nang maurong ang shooting ng One True Love, finally ay nasimulan na rin ito at may playdate na nga sa November 19. Sa palagay kaya ni Marian ay mas maganda ang timing ng pelikula ngayon kumpara sa original playdate sana nito na August? "Siguro, kasi lahat ng schedules din, inayos at naayos siya ng mabilis," nakangiti niyang sagot. May pressure na ba silang nararamdaman ni Dingdong? Sa tingin kaya nila ay madadala nila ang lakas ng hatak nila sa telebisyon sa pelikula? Si Iza, na katabi lang ni Marian noong kausap namin siya, ay nagbiro kay Marian at sinabing, "Kayo na ang bahala ha, yung mga fans n'yo ha!" "Uy, hindi a! Damay ka rito!" natatawa namang sagot ni Marian. Pero naniniwala si Marian na may pressure talaga sa kanila ni Dingdong kung ano ang kasasapitan ng unang pelikula nila sa takilya. "Ayoko namang isipin na walang pressure kasi lahat naman ng trabaho, may ganoon talaga. So, imbes na isipin kong nape-pressure ako... Kumbaga, ang maganda na lang, isipin ko na magawa naming maganda ang movie na ito. Mapasaya ulit namin ang mga manonood na iba ang movies, iba ang soap," pahayag ng young actress. LOVE SCENES. Mag-asawa raw ang role nila ni Dingdong sa One True Love kaya siguradong may love scenes na mapapanood sa kanila ang mga tagahanga nila. "Actually, hindi naman siya heavy love scene. Yung attack ko rito, noong wala pang nangyayaring masama kay Dingdong dito, yung atake ko sa kanya, kalog ako. Pinapatawa ko, siya, pero hindi naman masyadong OA. Hindi naman masyadong hard." Base sa script ng One True Love, mas mainit daw ang love scenes nila rito kumpara sa mga eksenang napapanood sa kanila sa telebisyon. "Well, kasi kahit nakalagay sa script, depende pa rin kay Direk Mac Alejandre âyan, e. Ilang beses ko na nakatrabaho si Direk Mac at alam ko at buo ang loob ko sa kanya at malaki ang tiwala ko na hindi magiging bastos yun. Mas kikiligin sila kesa isipin nila na, Ay ganito yun, ganito yan!'" Pero mas marami ba silang maipapakitang bago ni Dingdong sa pelikula? "Mas matured kasi ito. It's a romantic drama. Ang story, ikinasal kami at hindi masyadong biro ang mga pangyayari," sabi ni Marian. RUMORED BREAKUP. Siyempre, hindi na rin pinalampas ng PEP ang pagkakataon upang tanungin si Marian sa nabalitaan namin na break na sila ng rumored non-showbiz boyfriend niya na si Ervic Vijandre. "Ganoon? Basta yung personal ko, akin na lang yun," palagi nang sagot ni Marian sa tuwing tinatanong siya tungkol sa kanyang love life. Pero kamusta nga ba ang love life niya ngayon? "Masaya ako, masaya ako sa kung anuman ang nangyayari sa personal na buhay ko ngayon," aniya. Sino ang nagpapasaya sa kanya ngayon? "Well, hindi naman porke ganoon, kailangang boyfriend agad, di ba? Marami diyan Basta, masaya ako ngayon kasi maraming offers sa akin. Nagkaroon kami ng bonding ng mga cast ng Dyesebel. Sila Direk Joyce [Bernal] at hangga't may time, nagba-bonding kaming lahat." Single ba siya ngayon? "Basta!" matipid pero nakangiti niyang sabi. CLOSER & SWEETER? Hindi dahil may pelikula silang ginagawa, marami ang nakakapansin na nag-iba ang closeness at sweetness nina Marian at Dingdong ngayon. May ibig bang sabihin ito? "Kahit naman dati... Paano naman naging iba?" tanong niya. "Siguro naging mabait lang ako sa kanya uli!" natatawa niyang sabi. "Kasi dati, deadma-deadma. Ngayon kasi, mas naa-appreciate ko na siya lalo. Ngayon kasi, mas okey." Nawala ba yung closeness nila dati? "Hindi naman nawala. Basta, mas naa-appreciate ko lang siya lalo ngayon. Kasi dati, okey kami, wala kaming wall. Kung ano ang secret niya, secret ko. Pero mas lalo na ngayon," saad ni Marian. PLANNED VISIT. Sinabi rin ni Marian na mukhang malabo na sigurong matuloy ang pinaplano niyang pagbabakasyon at pagkikita nila ng kanyang ama sa Spain. Pero ayon sa young actress, every day na niyang nakakausap ngayon sa telepono ang kanyang ama. "One week lang po kasi ang ibinibigay sa akin ng GMA na bakasyon. May movies pa and then, taping na ulit ng bagong soap opera. So, si Papa ko po, siguro sa April [2009], baka siya na lang daw po ang uuwi rito," pagbabalita ni Marian. - Philippine Entertainment Portal