‘Himala’ voted as Best AsPac Film of All Time
Ang tagumpay ng pelikulang Himala (1982), na tinampukan ni Nora Aunor, at dinirek ng National Artist for Film na si Ishmael Bernal, sa isinagawang online poll ng Cable News Network (CNN), ay isa na namang patotoo sa katatagan at patuloy na pagpupunyagi ng superstar-actress. Na sa kabila ng mga dagok sa kanyang personal na buhay at career, tila isa ngang "himala" ang naging hatid ng pelikulang ginawa ni Nora Aunor lagpas dalawang dekada na ang nakalilipas. Matapos ang dalawampu't anim na taon, mula nang unang maitanghal ang pelikula at magtamo ng mga parangal (9 out of 11) sa taunang Metro Manila Film Festival '82, kabilang ang Best Picture, Best Director (Ishmael Bernal), Best Actress (Nora Aunor), Best Story (Ricky Lee), Best Supporting Actor (Spanky Manikan), Best Supporting Actress (Gigi Duenas), Best Production Design (Racquel Villavicencio), Best Cinematography (Sergio Lobo), at Best Editing (Ike Jarlego, Jr.), patuloy na kinikilala ang kahusayan ng pelikula at, kamakailan ay nanguna ito at ginawaran ng parangal bilang Best Asia-Pacific Film of All Time ng CNN-APSA (Asia Pacific Screen Awards). Noong 1983, naging official entry ang Himala sa Berlin International Film Festival (sa Germany) at napabalitang naging malakas na contender for best actress si Nora Aunor (na natalo lamang by one vote sa isang Russian actress). Nang taon ding iyon, napiling entry ang Himala sa 19th Chicago International Film Festival, sa Amerika. NORA, NO HIMALAHigit sa alinmang acclaimed films ni Bernal, ang Himala, sa ngayon, ay maituturing na pinaka-importante niyang pelikula bilang isang National Artist dahil sa pinakahuli nitong tagumpay, na bunga rin ng naging pakikipagtrabaho niya sa movie icon at screen legend na tulad ni Nora Aunor. Sa ginampanang papel sa pelikula, bilang si Elsa, ang simpleng probinsiyanang umano'y pinagpakitaan ng Mahal na Birhen at naging instrumento sa mahimalang daloy ng buhay sa panahon ng tagtuyot at kahirapan sa isang malayong bayan, nakiisa kay Direktor Bernal ang prodyuser (Imee Marcos) at manunulat (Ricky Lee) na walang ibang aktres kundi si Nora lamang ang nararapat gumanap sa papel ng pangunahing tauhan. Kung walang Nora Aunor, walang Himala si Ishmael Bernal! Buhay pa si Bernal nang unang manalo ang Himala ng international award, ang Bronze Hugo Prize, sa 1983 Chicago Int'l. Filmfest. Makalipas ang 25 taon, isa uling pagpupugay sa kanyang obra ang naipagkaloob ng mga online voters, gamit ang makabagong teknolohiyang wala pa sa panahon at hanggang yumao (noong Hunyo 2, 1996) ang dakilang Filipino filmmaker. A SPELLBINDING VICTORY FOR PHILIPPINE CINEMA. Ayon sa Web site ng isang local daily broadsheet, Himala's recent triumph is "a spellbinding victory for Philippine cinema." Na nakabilang ito sa Top 10 list ng mga acclaimed films of all-time sa Asia-Pacific region ay karangalan na ngang maituturing. Pero higit dito ang naging tagumpay ng Himala nang manguna sa CNN online survey at magtamo ng pinakamaraming boto, over such other acclaimed films as Ang Lee's Wo Hu Cang Long (Crouching Tiger Hidden Dragon) from China; Akira Kurosawa's Shichinin No Samura (Seven Samurai) from Japan; Andrew Lau and Alan Mak's Mou Gaan Dou (Internal Affairs) from Hong Kong; Chan-Wook Park's Old Boy from South Korea; Hayao Miyazaki's Sen To Chichiro No Kamikakushi (Spirited Away) from Japan; Satyajit Ray's Pather Panchali from India; Peter Weir's Gallipoli from Australia; Wong Kar-Wai's Chung Hing Sam Lam (Chungking Express) from China; at Mohsen Makh-Malgaf's Gabbeh from Iran. Sa kaukulang citation ng CNN, kinilala ang Himala "for it's austere camera work, haunting score and accomplished performances that underline the harsh social and cultural conditions that people in the Third World endure." Ang APSA (Asia-Pacific Screen Awards) ay isang international cultural initiative na pinasimulan noong nakaraang taon (2007) upang bigyang-parangal ang kahusayan ng mga pelikula sa Asia-Pacific region; mga pelikulang natatangi ang kahusayan ng pagkakalikha at sumasalamin sa kultura ng lipunang pinagmulan niyon. Ayon din sa CNN Web site, ang mga pelikulang nakasali sa Top 10 ay pinili ng mga kritiko, industry insiders at mga kilalang artistang Asyano. Ginanap ang pormal na seremonyas para sa pagkakapili sa Himala, bilang CNN-APSA Viewers' Choice Award for Best Asia-Pacific Film of All-Time noong Nobyembre 11, 2008, sa Gold Coast, Queensland, Australia. Dito sa atin, may special screening at tribute ding agad na nai-schedule (November 22), sa Titus Brandsma Center ng mga grupong pan-relihiyon. May pagkilalang kaloob sa mga naging bahagi (cast and production people) ng Himala. Samantala, hindi nakadalo si Nora Aunor sa Himala awarding rites ng CNN-APSA, sa Australia. Hanggang sa sandaling ito, nakabase sa U.S.A. si Nora Aunor at abala sa mga ginagawang show. Pero importanteng mababanggit na tumakbo ang pilian, o ang online poll ng CNN-APSA noong buwan ng Oktubre, 2008, kung kailan ginugunita ang ika-41 anibersaryo sa show business ng kinilalang superstar ng Philippine show business. - Philippine Entertainment Portal