ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
A tearful StarStruck reunion at Marky Cielo's wake
StarStruck is now less than one, literally and figuratively, dahil sa pagpanaw ni Marky Cielo, the third Ultimate Male Survivor and the first and only Ultimate Sole Survivor. Sa St. Peter Memorial Chapel sa Antipolo dinala ang mga labi ni Marky. Si Rommel Gacho, ang tinatawag na "tatay" ng mga taga-StarStruck, ang naging punong-abala sa pag-ayos ng katawan ng binata. Marky's wake was the most heartbreaking StarStruck reunion ever. Pagdating namin ng bandang alas-onse ng gabi, hindi pa nailalagak si Marky sa kanyang kabaong kung kaya't naghihintay nang tahimik sa loob ng saradong memorial chapel ang mga kaibigan at kamag-anak niya. Kailangang isara ang St. Peter Memorial Chapel dahil sa labas pa lang, puno na ng tao ang kalye at naghihintay ng mga magsisidatingang artista. Parang walang namatay para sa mga nandoon at nagmistulang fiesta para sa kanila na kapag may dumarating ay nagsisigawang artista. Kasabay naming dumating sina Rainier Castillo (StarStruck Batch 1 First Prince) at ang GMA Artist Center handler na si Daryl Zamora. Ka-convoy namin si Ryza Cenon (StarStruck 2 Ultimate Female Survivor) na kasama naman ang ilang staff ng GMA 7. Halos hindi nakapasok sina Ryza at Rainier sa memorial chapel dahil kinuyog agad sila ng mga taong nagnanais makakita ng artista. Maaga pa lang daw, nandoon na sina Aljur Abrenica (StarStruck 4 Ultimate Hunk) at ang ka-batch ni Marky na sina Iwa Moto at Gian Carlos (First Princess and Prince). Naabutan namin sa chapel sina LJ Reyes, Vaness del Moral, at Arci Muñoz ng Batch 2; sina Chariz Solomon, Mart Escudero, Prince Stefan, Stef Prescott, at Jan Manual ng Batch 4; at ang StarStruck Ultimate Female Survivor counterpart ni Marky na si Jackie Rice. Nandoon din sina Glaiza de Castro, Jennica Garcia, Robert Villar, Tess Bomb, at Nanding Josef. Sumunod naman ang head ng GMA Artist Center na si Yda Henares at si Lou Gopez, na pareho nang nakaitim. Nang nakapili na ng kabaong para kay Marky, pinauna na ang mga artista sa bahay ni Marky sa Sta. Isabel sa Mission Hills (subdivision ito within a subdivision) para hindi lalo magkagulo ang mga tao. Nagkaroon naman ng maliit na aberya sa gate ng Mission Hills dahil walang pinapapasok na sasakyan kung kaya't nagmistulang traffic ang entrance ng subdivision. Biglaan daw kasi ang desisyon ng ina ni Marky na si Mrs. Mildred Cielo na sa bahay na lang nila iburol ang anak. Ito ang bahay na napanalunan ni Marky bilang Ultimate Sole Survivor sa StarStruck. Una raw, hindi pumayag ang homeowner ng subdivision ngunit dahil sa awa sa ina, pinayagan na rin sila. Hindi nga lang nagkaayos sa entrance ng pagkarami-raming sasakyan kung kaya't hinintay muna ng mga guwardiya ang go-signal para papasukin ang napakaraming sasakyan. Isa lang ang naging request ng mga homeowners: limitahan ang media. Napagkasunduan na isa lang munang TV crew ang darating doonâang Startalk. Kung may papasok mang ibang camera, lalabas muna ang staff ng Startalk para makapasok ang pangalawa. Nandoon na sa bahay nina Marky ang ilan pang artista sa pangunguna nina JC de Vera at Rhian Ramos, na co-stars ng yumaong aktor sa La Lola. Nasa paligid din ang mga nagsisiiyakang sina Yasmien Kurdi (StarStruck 1 Ultimate Female Survivor) at Kris Bernal (StarStruck 4 Ultimate Loveteam, with Mart Escudero). Dumating naman ang talent manager na si Leo Dominguez at ang kanyang alaga at ka-partner ni Marky sa La Lola na si Lovi Poe, na namumugto na rin ang mga mata kasama ang baguhang singer na si Chris Cayzer. Kasama nila ang isa pang manager na si Manny Valera. Sumunod na rin si Mike Tan (StarStruck 2 Ultimate Male Survivor), na sa una ay nagpipigil pa ng luha; ang makapatid na Ehra at Michelle Madrigal; at Survivor Philippines castaway Jace Flores. Sa mga taga-GMA 7, nangunguna si Ms. Lilybeth Rasonable; ang head ng creative team na si Jun Lana; ang mga naging executive producers at associate producers ni Marky tulad nina Helen Sese, Edlyn Tallada, Michelle Borja, at Nieva Sabit. Isa pa sa humabol ay si Jenny Donato ng GMA Artist Center na nanggaling pa sa Dasmariñas, Cavite para sa isang show roon ng kinatampukan ng ilang Kapuso stars. Maganda, maayos, ngunit maliit ang bahay nina Marky. Sa sala inilagak ang kabaong na diretso sa pinto kung kaya't hindi puwedeng magsabay-sabay ang papasok. Sa dami ng naghihintay sa pagdating ng mga labi ni Marky, kahit kalahati nito, hindi makakapasok sa bahay nang sabay-sabay. Alas-dos ng madaling-araw ng December 8 nang dumating ang karwaheng kinalalagyan ng kabaong ni Marky. Puting-puti ito na may silver at gold trimmings sa mga handle. Inayos muna muli ni Rommel Gacho si Marky bago binuksan ang pinto. Nagpahabol pa ng isang rosary ang ina ni Marky na inilagay sa kaliwang kamay nito. Maayos ang pagkaka-makeup ng mga labi ni Marky. Suot niya ang kanyang suit na ginamit noon sa grand finals ng kanyang StarStruck season. Kapansin-pansing napakataas ng saradong kuwelyo ni Marky na takip ang kanyang leeg. Ang unang grupong artista na pumasok sa bahay ay sina Rainier, Mike, at Ryza. Dito, hindi na napigilan ni Mike ang umiyak nang todo. Isa sa closest friends ni Marky si Mike na kasamahan din sa Station 168, ang Internet shop sa Tomas Morato kung saan sila regular na naglalaro ng online games. Sa iyak ni Mike, nagsimula na ring humagulgol ang mga nakapilang artista hindi pa man nila nakikita si Marky. Halos wala nang iluha si LJ, na sa funeral parlor pa lang ay napansin na naming mugtong-mugto na ang mata at naduduwal na. Sa pagpasok nina Jennica at Mart, si Mart naman ang humagulgol nang todo. Isa pang malapit kay Marky si Mart at nakakasama rin sa Station 168. Malalakas ang naging iyak nina Kris, Lovi, at Yasmien, mga nakatambal ni Marky sa mga ginawa nitong projects para sa GMA 7. Kahit sa paglabas nila, hindi mapiligan ang pag-iyak nina Mike, Mart, at Kris. Inilayo muna ni Rainier si Mike. Si Kris, yumakap na lang sa kanyang ina habang humahagulgol. Si Mart naman ay niyakap ang kasintahang si Jennica. Walang pumapasok na artista sa bahay na tuyo pa ang mga mata na hindi lalabas nang hindi umiiyak. Si JC, minabuti na lang lumayo muna kasama ng dalawang EP na sina Edlyn at Helen dahil hindi raw nila makayanan. Hanggang sa isinusulat namin ito, hindi pa makapagdesisyon ang ina ni Marky kung ilang araw ibuburol sa bahay ang anak bago ito ilipad sa Bontoc, Mountain Province. Ang sabi, dalawang araw lang daw ito sa bahay ngunit baka raw mag-tatlo at sa Miyerkules, December 10, na ito dalhin sa probinsiya para doon ilibing. May ilang StarStruck graduates na ring nangibang-bakod ng TV network, pero si Marky ang kauna-unahang namaalam nang tuluyan. GMA 7 OFFICIAL STATEMENT. Ito ang inilabas na statement ng GMA-7 kaugnay ng pagpanaw ni Marky kahapon: "Bandang alas-diyes kaninang umaga [December 7] sa Antipolo Doctors Hospital ay idinireklarang DOA [dead on arrival] ang young actor at StarStruck Nationwide Invasion Sole Survivor na si Marky Cielo. "Ayon sa paunang salaysay ng kaniyang ina na si Mildred Cielo, natagpuan niyang nakahandusay ang kanyang panganay na anak sa kanilang tahanan sa Antipolo, Rizal, at agad itong sinugod sa ospital. Sa ngayon ay hinihintay nila ang resulta ng imbestigasyon ng sanhi ng pagpanaw ni Marky Cielo bago magbigay ng opisyal na pahayag ang kaniyang pamilya. "Tubong Mt. Province at may lahing Igorot si Marky Cielo, ang itinanghal sa Sole Survivor sa Season 3 ng StarStruck. Hinahangaan siya sa kanyang maamong mukha, pati na rin sa kanyang husay sa pag-arte at pagsayaw. "Huli siyang napanood sa Startalk, SOP, at La Lola. Siya rin ang tumatayong Youth Spokesperson ng Department of Health. "Si Marky Cielo ay 20 years old. Bukod sa mga panalangin, humihiling ang pamilya Cielo ng privacy sa matinding dagok na ito sa kanilang buhay." - Philippine Entertainment Portal
Tags: markycielo
More Videos
Most Popular