PEP: SOP pays tribute to Marky Cielo
Sa pagsisimula pa lamang ng SOP noong December 14, napuno na ng luha ang show sa pagbibigay nila ng final tribute sa namayapa nilang kasamahan, ang nag-iisang StarStruck Ultimate Sole Survivor na si Marky Cielo. Naging masakit para sa mga kasamahan ni Marky sa SOP ang kanyang biglaang pagpanaw. Ito ang unang pagkakataon na may namatay sa kanilang grupo. Mas masakit dahil alam nilang hindi na babalik si Marky kailanman. Sa isang bahagi ng stage ay nakalagay ang StarStruck chair na ginamit ni Marky nang sumali siya sa StarStruck Batch 3. May nakalagay ring isang calla lily flower sa upuan, katabi ng larawan ni Marky na nakalagay sa mesa. Naunang kumanta sa opening number sina Regine Velasquez, Jaya, at Ogie Alcasid. Simula pa lang ay tumutulo na ang kanilang mga luha. Ang child actor na si Robert "Buboy" Villar, na nakasama ni Marky sa La Lola ay hindi rin napigilang maluha habang kumakanta. Sumunod sa kanya sina Jolina Magdangal, Kyla, Jay-R, JC de Vera, at Wendell Ramos. Nakakaiyak din ang pagkanta nang sabay nina Dennis Trillo at Aljur Abrenica, na nakasama ni Marky sa Zaido: Pulis Pangkalawakan. Naroon din halos lahat ng mga kapatid ni Marky sa apat na batch ng StarStruck, gaya nina Mark Herras, Jennylyn Mercado, Rainier Castillo, Yasmien Kurdi, Katrina Halili, Sheena Halili, Ryza Cenon, Mike Tan, LJ Reyes, Mart Escudero, Stef Prescott, Vaness del Moral, Jan Manual, Paulo Avelino, Chariz Solomon, at Rich Asuncion. Si Rich ay nagtatanong kung sino ang ipapalit kay Marky, na madalas niyang ka-partner sa segment na "Sayaw One." Si Chynna Ortaleza ay lungkot na lungkot dahil si Marky raw ang nagtuturo sa kanila ng sayaw along with their choreographer Miggy Tanchangco. Iyak din nang iyak si Rochelle Pangilinan ng SexBomb dahil madalas din silang magtambal ni Marky sa dance numbers. Sina Yasmien at Lovi Poe, na nakasama ni Marky sa Bakekang, hindi pa kumakanta ay umiiyak na. Ganundin si Glaiza de Castro, na nakatambal ni Marky sa Fantastikids, Boys Nxt Door, Asian Treasures, at Kaputol ng Isang Awit. Hindi rin napigilan ni Sunshine Dizon na umiyak. Nagkasama sila ni Marky sa unang TV show ni Marky, ang Encantadia, na sinundan pa ng Bakekang. Si Manilyn Reynes, na gumanap na ina ni Marky sa Bakekang, ay iyak din nang iyak. Hindi rin nakapagpigil si Dennis na umiyak nang husto dahil matagal silang nagkasama ni Marky sa Zaido. Pigil na pigil naman si Janno Gibbs, na humabol sa opening number, sa pag-iyak dahil sila ang madalas na magkaeksena ni Marky sa Codename: Asero. Bilang finale ng tribute, pinatay ang ilaw sa loob ng Studio 7 at tanging ang mga kandilang hawak ng audience ang nagsilbing ilaw. Lalong nagkaiyakan nang isa-isang abutan ng candles ng mga dancer ang mga kasamahan ni Marky sa stage. Pagkatapos nito ay humingi na si Ogie ng ilang minuto ng katahimikan para sa kaluluwa ni Marky. Bilang paggalang din sa alaala ni Marky, hindi na itinuloy ng show ang dance numbers para maging solemn ang kanilang tribute. MARKY'S FINAL JOURNEY. Alas-dos ng hapon ng December 15 ay nakatakda nang ihatid sa kanyang huling hantungan si Marky sa bakuran ng kanilang tahanan sa Bauko, Mountain Province. Inaasahan ang pagdagsa ng mga tao, kabilang na ang ilan sa mga nakatrabaho ni Marky sa GMA 7, sa libing ni Marky. May final coverage pa rin ang GMA 7 sa mga huling sandali ni Marky sa piling ng mga mahal niya sa buhay. Ayon sa ina ni Marky na si Mrs. Mildred Cadaweng, kung may isa raw magandang nangyari sa pagkawala ni Marky, ito ay naging close ang pamilya nila na matagal na palang pangarap ni Marky na magkaroon ng katuparan. Hindi naman lingid sa marami na hiwalay na ang mga magulang ni Marky. Wala pang plano si Mommy Mildred kung ano ang gagawin nila ngayong wala na si Marky. Pero siniguro niya na sasamahan daw nila si Marky sa darating na Pasko at Bagong Taon hanggang sa 40th day nito. Kapag natapos daw âyon, saka na lamang sila magpaplano. - Philippine Entertainment Portal