Mom talks about first Christmas without son Marky Cielo
Nakausap muli ng Showbiz Central noong January 4 si Mrs. Milderd Cadaweng, ang butihing ina ng namayapang aktor na si Marky Cielo. Bagamat masakit pa rin daw ang pagkawala ni Marky, tuloy pa rin ang buhay para sa kanila. Paano ipinagdiwang ng isang ina ang nakaraang Kapaskuhan at Bagong Taon kung ilang araw bago sumapit ang mga naturang okasyon ay biglang pumanaw ang pinakamamamahal mong anak? Kuwento ni Mrs. Cadaweng, "Ang kapatid niya at mga pinsan, doon nag-bonfire sa malapit sa kanyang libing. Nagluto lang kami ng simpleng pagkain. Hinintay ang simbang gabi, kumain. Yun lang. Kasi parang mahirap talagang mag-celebrate ng ganoon ang sitwasyon." Ayon pa kay Mrs. Cadaweng, nangungulila rin daw ang mga taong napamahal sa anak niyang si Marky. Katulad nga ng isang fan na nagngangalang Laarni ang nagpadala ng Christmas card para sa yumaong aktor sa pamamagitan ng Showbiz Central mail box. "Kay Laarni, ipaparating ko itong sulat niya, at least, sa puntod ni Marky. At natutuwa ako sa kanyang pagmamahal kay Marky. Although, nalulungkot din katulad niya, nararamdaman ko rin kung gaano kasakit mawala si Marky, at ma-miss mo siya sa panahon pa ng Christmas." Noong nakaraang Pasko, wala raw magawa si Mommy Mildred kundi ang balikan ang mga alaala ng yumaong anak. "Nandiyan kami lahat kapag Pasko. Kahit na anong hinanda namin, simple man or ano, nandiyan siya [Marky]. At saka, kapag siya yung mag-gift sa akin, namomroblema talaga siya kung ano yung ibibigay niya. Minsan, masahe na lang ang ibibigay niya sa akin, masaya naman ako dun." Dahil sa matinding pangungulila sa anak, naghihinagpis pa rin ang kalooban ni Mrs. Cadaweng, lalo na kapag sumasagi sa isipan ang mga sandaling kapiling si Marky. "Maliban sa shows na minsan nagsu-surprise ako sa show niya. Pero minsan, nasa studio siya, ako nasa ibang floor. Nagtatawagan, âNandito ako sa parking, uuwi ka na ba?' Yun, parang pakiramdam ko, puwede ba siyang tawagan? 'Sasabay ba tayong uuwi or mauuna ba ako?' Yun... "Minsan sasabihin niya, âNasa gazebo lang ako, aakyat ako.' Tapos, tatakbo siya nang nakangiti..." sa puntong ito ay hindi na talaga nakayanan ni Mommy Mildred ang mapahagulgol ng iyak. Patuloy niya, "Tapos, tatanungin niya ako, okey ka ba? Tapos, iaano [aakbayan] niya ako sa shoulders." Kasama rin sa nagbibigay alaala kay Mommy Mildred ang iniwang bahay at lupa ni Marky sa Antipolo, na kanyang napanalunan bilang grand prize bilang Ultimate Sole Survivor sa StarStruck. "Hindi ko alam ano ang plano namin after. Pero definitely, iko-consider namin na remembrance namin yun sa kanya. Siguro, kahit ano'ng mangyari, souvenir pa rin namin yun sa kanya," umiiyak pa rin niyang sabi. Sa pagkakataong ito, patuloy pa rin daw ang pasasalamat ni Mommy Mildred sa mga nagbibigay suporta at nakikidalamhati sa pagpanaw ng kanyang anak sa pamamagitan ng ipinadala niyang e-mail message sa Showbiz Central: "We wish to express our deepest gratitude and heartfelt thanks to all our relatives, friends, neighbors, and acquaintances who cared and condoled with us, who shared with us their precious time, offered prayers, kept vigil, gave donations in cash or in kind, those who came over and helped us in many countless ways and gave us strength and encouragement during our time of grief, thank you for being there at the time we needed you most..." Sa huli, nagbigay rin ng mensahe si Mrs. Cadaweng para sa kanyang namayapang anak... "Kung nasaan ka man, sana you're at peace. Sana maligaya ka, masaya ka." - Philippine Entertainment Portal