ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Robin, Regine team up again for ‘Totoy Bato’


Hindi man mahigitan, sinabi ni Robin Padilla na sisikapin daw ng mga cast ng bagong action series ng Kapuso Network na “Totoy Bato” na mapantayan ang orihinal na bersyon nito na pinagbidahan ng namayapang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. “Gagawin naming lahat, ni Regine (Velasquez) at lahat ng aming kasama na kung hindi man namin mahigitan ang orihinal ng hari na si FPJ, eh mapantayan ang ganda ng orihinal na ‘Totoy Bato,’” pahayag ni Robin sa Chika Minute portion ng “24 Oras” ng GMA News nitong Martes. Sinabi ng aktor na katuparan ng pangarap niya ang muli nilang pagsasama ni Regine na huli niyang nakatambal sa pelikulang “Till I Met You” ilang taon na rin ang nakararaan. Si Robin daw mismo ang pumili kay Regine na maging leading lady sa TV remake ng “Totoy Bato,” na obra ni Carlo J Caparas. “Matagal ko nang pangarap yun, ‘Till I Met You’ pa lang, sinasabi ko na…pinag-uusapan na naming na gusto naming gumawa ng…ito na ang yung katuparan n’un,” kwento ni Robin. “Ako sobrang nag-enjoy katrabaho si Robin. No dull moments, atsaka masarap siyang katrabaho kasi nga inaalagaan ka. Kaya feeling mo as a leading lady, special,” pahayag naman ni Regine. Sa ipinatawag na story conference, ipinakilala na ang iba pang cast ng “Totoy Bato.” Kabilang na rito sina Eddie Garcia, Ehra Madrigal, Ian Veneracion, Rommel Padilla, Mon Confiado, Jolo Revilla, Tuesday Vargas at ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. Dahil sa laki ng casting, sinabi ni Regine na hindi maituturing TV series ang “Totoy Bato.” “Ako personally hindi ko siya tinitingnan as TV series, para sa akin pelikula pa rin kasi yung casting pa lang ang bigat na,” ani Regine. - GMANews.TV