Ehra Madrigal on love life, staying sexy and working with Robin
Five years na rin sina Ehra Madrigal at ang kanyang boyfriend na si DJ Myke Solomon, na vocal percussionist at beat boxer ng grupong Akafellas, pero wala pa raw silang planong magpakasal. "Kasi pareho kami na may mga plan pa, eh. Siya meron pa siyang mga gustong gawin, ako rin. So, sobrang medyo malayo pa sa isip namin to settle down," ang simulang pahayag ni Ehra sa PEP (Philippine Entertainment Portal). Hindi pa rin naman daw nagyayaya si Myke, dahil "alam niya na marami pa akong plans pa, parang twenty-three pa lang naman ako, matagal pa." Ang balak ni Ehra ay mag-focus muna sa showbiz. Aniya, "Gusto ko munang gawin lahat, gusto kong magka-business..." Naniniwala siyang darating din ang panahon para sa kasal. "Yung mga dreams ko, siyempre, gusto kong matupad munang lahat before kami magpakasal," saad pa ni Ehra na isa sa mga stars ng upcoming TV series sa GMA 7, ang Totoy Bato. Speaking of wishes, nabanggit nga niya na gusto niyang magka-business. "Gusto ko sana kahit small restaurant lang ganyan," ang sabi ng panganay sa Madrigal sisters. At kapag naging successful ang kanyang business venture, bahay ang kanyang susunod na target, "kasi ngayon, I'm renting lang, eh." Mukha nga yatang wala pa sa bokabularyo ng dalaga ang mag-asawa. Kung sabagay, ito ang nakikitang trend sa showbiz. Hangga't may proyekto, huwag ka munang magpapahinga, kasi kapag pinalampas ang isang pagkakaton, baka tuluyan nang matengga ang artista. Ika nga ni Ehra, "Sayang naman ang mga opportunity ngayon, na nabibigyan ako ng work, parang...Matagal pa, puwede namang maghintay ang love." THEIR LOVE STORY. Napag-usapan tuloy ang kanilang love story. Nagsimula raw ito noong nasa college pa sila. "Napanood ko sila, front act sila sa isang concert, sa Stephen Speaks. Naikuwento ko sa friend ko na ang galing-galing nila, tapos naikuwento sa 'kin nung friend ko na classmate pala siya sa La Salle. "That time I had a BF, meron din siyang GF, so acquaintance lang kami. For some time, never kami exclusive na nag-date, more of naging friends kami, labas-labas, hanggang sa naging MU hanggang sa naging kami," ang salaysay ng Kapuso actress. Ano ang sikreto ng kanilang relasyon? Matatandaang napabalita dati na hiwalay na sila, and obviously ay nagkabalikan sila. "Hindi ko alam," ang mabilis niyang sagot. "Siguro pareho lang kaming nagkakaintindihan, suwerte ko rin, kasi naiintindihan niya yung work ko. Yung ibang mga guys nagseselos." THE SEXY STORY. Si Ehra ay kabilang sa sexiest Pinays ng FHM magazine for two years now. At hindi naman maikakaila na maraming lalaki ang humahanga sa kanyang kaseksihan. Sa taong ito, nag-a-aspire ba si Ehra na mag-number one sa FHM Sexiest list? "Well, hindi naman aspiring kasi parang...well, maganda talaga yun, di ba? Flattering, kasi based on votes yun, so parang more of yung mga tao yung mga bumoto sa 'yo, na sa tingin nila na sexy ka, ganito-ganyan... "Kaya yung mapabilang man lang ako sa top ten for two consecutive years, parang ano na yun, malaking karangalan na'yun for me kasi first ever na ma-nominate ako, pang-ano ako, thirty plus yata, eh. "Tapos biglang nag-jump sa number 5 or 4, so maganda na yun. At least, napapansin pa rin ako. So ngayon, okay na sa akin siyempre yung mapasama ka sa top 5. Karangalan yun, 'di ba?" But to stay sexy is not easy, especially for a woman like Ehra who's body measures 36-27-36. "Hay naku, mahirap kasi tabain talaga ako ever since," ang aminadong sabi ng dalaga. "Big-boned na 'ko, 'tapos every time nagkaka-monthly period ako, talagang nag-ge-gain ako ng weight, so kailangan talagang bantayan ko yung kinakain ko, and once in a while, work out talaga." Napag-usapang na rin ang kanyang well-endowed assets, ano ang naging advantage nito sa kanya? "Nabigyan ako ng opportunity to pose for a sexy magazine, at hindi ko na kailangang magparetoke. Hahaha!" Disadvantage? "Mahirap, kasi may sakit ako sa likod. Nung bata ako, ako yung pinakamatangkad sa magkakaklase at magkakalaro, kaya parang nahihiya ako na may boobs na ako agad. So hindi ako palaging naka-straight body. "Kaya ngayon kuba na 'ko 'tsaka madalas na sumasakit ang likod ko, feeling ko dahil na rin sa boobs. "Ayoko namang magpabawas kasi feeling ko asset ko ito, ipapabawas ko pa. Dapat nga may back therapy, kaso di 'ko masyado natuunan ng pansin kasi walang time. "Pero sa pagwu-work out sa gym naman makukuha siya. Hindi naman kailangan ng surgery." Going back to Totoy Bato, na napapanood weeknights sa primetime block ng GMA 7, gaano ka-daring dito si Ehra? Ang sabi niya, "Hindi pa kasi ako nagte-taping pero siyempre sa description ng character ko, GRO so expected mo na medyo daring nang konti, ganyan...Sexy ang mga outfit." Siya ang dancer na magkakagusto at hahabol kay Totoy. Kumbaga, ka-love triangle siya nina Robin at Regine. Hindi naman lingid sa karamihan na madalas ma-link si Robin sa kanyang mga leading ladies. Ready na ba si Ehra na ma-link sa action star? "Naku, hindi ko po alam!" ang kanyang nasambit. "Pero kasi, I respect Mr. Robin Padilla 'tapos parang...it's also a dream of mine na makatrabaho siya. And parang given naman yata yun na lahat nali-link pero siyempre, di ba, para mas more of mapo-focus talaga sa love team nila ni Miss Regine, so parang yung sa amin, ako yung kontrabida, so, kay Ms. Regine siya mas mali-link, hindi sa akin," pagtatapos ni Ehra. - Philippine Entertainment Portal