PEP: Eat Bulaga's Jose and Wally remember Francis M
Bagama't masaya ang bagong show ng GMA-7 na "Wow Hayop! Featuring Animals Are People Too", na palabas na on March 18 at iho-host ng comic tandem nina Jose Manalo at Wally Bayola, damang-dama naman ang lungkot sa mukha at pagsasalita ng dalawa during the presscon ng naturang show last March 11 na ginanap sa 17th Floor ng GMA Network. Gabi ang presscon pero noong umaga nga ng araw na iyon ay ang libing naman ng yumao nilang kaibigan at Eat Bulaga! Dabarkads na si Francis "Kiko" Magalona. Kahit na ngumingiti, tumatawa at nagko-comedy sina Jose at Wally sa harap ng entertainment press ay hindi pa rin maitago ng dalawa ang labis na kalungkutan sa pagpanaw ng kanilang mahal na si Kiko. Nauunawaan naman ito ng press dahil kalilibing nga lang ni Francis nang araw na iyon. Isiniwalat nga nina Jose at Wally ang kanilang damdamin nang ma-interview sila ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at mapadako ang usapan tungkol kay Francis. HEAVY FEELINGS. Ngayong nailibing na si Francis, ano ang nararamdaman nila? "Mabigat pa rin hanggang ngayon. Sabi nga, aso nga kapag namatay, iniiyakan ng amo, tao pa kaya. Mabigat pa rin. Hindi ganun kadaling makalimutan ang isang Francis Magalona. Makulit talaga yun, maharot. Ginagawa niya ang lahat para maging masaya ang grupo," malungkot na pahayag ni Jose sa PEP. Ayon naman kay Wally, "Ang mahirap kasi talaga yung pagkatapos na ng libing. Yung pagkatapos ng gabi-gabi na puyatan. After ng libing, dun mo mararamdaman yung pagod, yung bigat sa damdamin. Kasi wala na, e. Kailangang tanggapin na." Dagdag pa ni Jose, "Kanina kasi after ng libing, tinatawagan ako ng asawa ko. Sabi niya, 'Pumunta ka muna rito para magkasama tayo.' Naiintindihan din naman ng wife ko kung ano yung nararamdaman ko. So, umuwi nga muna ako sa bahay 'tapos kasama yung isang anak ko, pinanood ulit namin yung replay ng tribute kay Kiko noong Saturday [March 7]. Nandun pa rin yung lungkot. Ngayon lumalabas yung iyak namin. Mas grabe yung iyak namin kanina sa bahay. Although tinatago namin yung lungkot sa TV, kasi gusto rin naman namin maging masaya rin yung mga tao sa pag-aalala sa memories ni Kiko. Ayaw naming mawala sa isip nila si Kiko, e. "Mabigat, mahirap. Lalo na kagabi [March 10] galing kami sa misa, 'tapos diretso kami sa show namin sa Zirkoh. Ramdam na ramdam namin yung nagdyo-joke kami pero parang walang energy. Nagpapatawa ka nang walang energy. Tira lang kami ng tira." Ano naman ang naging reaksyon ng mga manonood nila sa Zirkoh nang gabing iyon? "Pag nakita nila kami, yun agad ang iniisip nila. Nababanggit din namin. Nung mamatay nga si Kiko, yung opening namin na 'Macho Guwapito,' pinalitan naming, e. 'Mga Kababayan Ko' yung intro namin at saka extro. Hindi namin mapigil na banggitin at magpasalamat sa mga tao na nagdasal para kay Kiko. Pero itong week na ito, talagang mabigat kapag nagso-show kami," paliwanag pa ni Jose. Pero, siyempre, gusto ni Francis na mapanatili yung pagiging masaya sa Eat Bulaga! o kahit sa mga shows nila. Paano nila hina-handle ito? "Yun na lang ang lagi naming iniisip, yung mga masayang ginawa niya. Actually, lahat ng ginawa niya, masaya, e. Iba si Kiko. Kung makikita mo 'yan mukhang seryosong tao. Pero pag makikita mo 'yan sa likod, makulit iyan at masaya. Parang sa isang batang makulit, si Kiko yun. Yun na lang ang iisipin mo. Pagdating nun, pinapa-feel niya na 'nandito na ako.'" REMEMBERING KIKO. Anong hindi nila malilimutan kay Francis? "Siguro yung kakulitan ni Francis, yung friendship. Pati yung pag-a-advise niya sa akin. Halimbawa, nung naglabas kami ng album, sabi niya sa akin, 'Gumawa kayo ng maraming kanta. Kahit wala ka na dito sa mundo, maaalala ka pa rin ng mga tao kapag tinugtog ang mga kanta mo.' Yun ang nakapagandang advice niya sa akin, aside dun sa mga personal advice na binibigay niya sa akin," ani Wally. Para naman kay Jose, hindi niya talaga makakalimutan si Francis dahil malaki ang naitulong ng Master Rapper sa kanyang business. "Malaki talaga ang naitulong ni Kiko sa business ko, yung Chiken Inasal ko. Si Kiko kasi yung nagsabi sa akin na, 'Pare ako ang kukuha ng litrato. Gusto mo ilagay ko sa Internet yan. Gawan natin ng website?' Nilagay niya yun. Siya ang naglagay noon at kapag may question o inquiries, tatawagan niya ako, 'Pare may tanong dun sa business mo.' Siya ang gumawa nun. 'Tapos pinicture-an niya yun at nilagay niya sa Mabuhay magazine. 'Pare, buong mundo ito. Lahat ng sasakay eroplano, mababasa ito, makikita ito,' sabi niya sa akin. Maganda naman yung naging resulta. Pati nga yung sa menu ko, siya yung gumawa nun. "Si Kiko kasi mahilig yan na tumulong nang tumulong, e. Halimabawa may nakikita siya sa iyo na inuumpisahan mo, walang kaabog-abog, kahit hindi ka humingi ng advise sa kanya, lalapit yun, e. Kaya sabi ko nga sa kanya, habambuhay yung libre ko sa kanya sa Inasal kasi paborito niya yun, e. Pag may taping kami, o kaya sa Bulaga, syempre kainan kami nang kainan sa Bulaga, e. A day before, sasabihin niyan, gusto ko, ang hapunan natin inasal. O-order talaga ako. Minsan pupunta siya sa akin, mag-a-advance order yan sa akin kasi kakain nga sila ng pamilya niya. Kahit gabi o madaling-araw kapag nadaan siya sa dun, kakain yan, kasi nga paborito niya yun, e," mahabang salaysay ni Jose. Pupunta ulit ng U.S. ang Eat Bulaga! para mag-show doon, ano ang mami-miss nila kay Kiko na ginagawa niya noong kasama pa nila abroad? "Siya ang photographer ng grupo, e," ani Wally. Singit ni Jose, "Hindi mo na kailangan na magdala ng camera. Lahat ng biyahe namin covered talaga. Sa eroplano, kapag nagising na yan, lahat ng nakanganga kinukunan niya. Yung mami-miss namin diyan sa abroad, paglapag na paglapag namin sa airport, tatawagin kami niyan, 'tapos maggu-group picture. Lahat ng puwede niyang kunan, kinukunan niya. Kung anuman yung tumutulo sa iyo habang natutulog ka, kukunan niya, walang pakundangan iyan, e. Pero pag siya ang kinunan mo, kahit tumakbo ka, hahabulin ka niya. Hindi ka titigilan. Kukulitin at kukulitin ka niya." "Ang maganda pa kay Kiko, yung mga kuha niya, bibigyan niya lahat, naka-CD na. Kaya nga hindi mo na kailangang magdala ng camera, e. Pero ngayon sa pag-alis namin ulit, malamang magdala na kami ng kanya-kanya. O kaya kami ni Keempee. Iyan ang influence sa amin ni Kiko e, yung photography," dagdag pa ni Wally. DABARKADS SUPPORT. Ngayong nailibing na si Francis, anong suporta yung maibibigay n'yo bilang Dabarkads niya sa pamilyang kanyang naiwan? "Siyempre, unang-una yung prayers, yun ang best support na maibibigay namin. At saka nakita naman namin sa mga Magalona na iniisip din nila na dapat kayanin nila na wala yung daddy nila," wika ni Jose. - Philippine Entertainment Portal