Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nur Misuari's son wants to marry Queenie, says Robin Padilla


MANILA, Philippines – Sinabi ni Robin Padilla nitong Linggo sa “Showbiz Central" na hiningi na ng anak ni Moro National Liberation Front (MNLF) leader Nur Misuari ang kamay ng kanyang panganay na si Queenie. Sa isang special portion ng "Showbiz Central" may tatlong tanong kay Binoe. Isa sa mga nagbigay ng tanong ay ang co-star ni Binoe sa latest horror movie nitong "Sundo" na si Sunshine Dizon. Ang tanong ni Shine ay kung papayag ba siya kung sakasakaling hingin ng anak ni Misuari ang kamay ni Queenie. "Nangyari na ho yon," ani Binoe. "Sa Davao – pumunta ako, tinanong kung pwedeng mahingi ang kamay ng anak ko. Naguluhan ako, pero siyempre kinausap ko din ang pamunuan. Sabi ko: 'Ako, tatay lang ako eh. Walang dapat mag dedesisyon diyan kung hindi anak ko'." Nitong nakalipas na buwan ay inamin ni Robin na kinakausap niya si Misuari upang magkakilala ang kanilang mga anak. Ayon kay Binoe, kahit pa mayroon siyang "102 qualifications" para sa magiging kasintahan ng kanyang anak, si Queenie pa rin ang mamimili sa gusto niyang makasama habang buhay. Hiling lang niya na sana ay "malagpasan ng magiting na lalaking iyon kung ano nabigay ko sa aking anak." Legacy Nagbigay rin ng tanong si GMA Films president Annette Gozon-Abrogar. Tanong niya kung anong legacy ang gustong iwanan ni Binoe kapag siya ay pumanaw na. "Siguro, yung una yung pagiging totoong tao," ani Binoe. "Pangalawa, mahal ko yung pagka-Pilipino ko. Kailanman hindi ako nagpangap na taga-ibang bansa. At pangatlo ay pagaartista. [Ang] respeto ko dito lagpas sa buhay ko." Ayon kay Binoe ang pagiging totoong tao nito ay mapapatunayan ng kanyang mga katrabaho, na nakakasaksi sa kanyang mga "bad mood." Ano ba ang nakakasira ng mood ng premyadong aksyon star? "'Yung ako'y ganado pang mag trabaho [pero] yung kasama ko gusto nang matulog. Mahal ko ho ang trabaho ko," aniya. Mahal lahat ng leading lady Bukod sa kanyang trabaho, mahal din daw ni Robin ang kanyang naging mga leading lady. At dito naman nagtanong ang show host na si Pia Guanio kung bakit handang sunduin ni Robin si Iza Calzado kahit anong oras ito tumawag. "Lahat naman po ng aking naging leading ay nagklaroon ng puwang sa aking puso at nanantili ang respeto ko sa kanila hanggang ngayon," sagot ni Binoe. Si Iza ang naging leading lady ni Robin sa teleseryeng "Joaquin Bordado." Isa rin si Iza sa mga nagtanong: Kung magpapasundo ba siya kay Robin ay susunduin ba siya nito ng personal o ipapa-pick up lang siya sa driver? "Depende kung siya ang tumawag sa akin. Kung siya mismo nagsabi kung anong oras, ako mismo ang pupunta," aniya. "Kahit sa kalagitnaan ng shooting sa 'Totor Bato'?" tanong ni Pia. "Yes ma’am," aniya. "Kasi naniniwala ako na si Iza kilala ako noon. Hindi nun gagawin na [hilingin na] sunduin ko siya kung hindi importante." - Aie Balagtas See, GMANews.TV