PEP: Bubbles Paraiso sees dead people
Naka-costume na si Bubbles Paraiso bilang si Magda, isa sa mga bellas sa brothel o bahay-aliwan noong 1800s, sa telefantasiyang Zorro ng GMA-7, nang humarap siya sa dumalaw na mga entertainment press sa location nila sa Acuzar compound sa Bagac, Bataan nung Huwebes, March 26. "Kami raw ang nagbibigay-kulay sa buhay ng mga tao doon, kung masaya, tawanan kami nang tawanan, kung malungkot ang eksena, kami rin ang umiiyak," nakangiting wika ni Bubbles sa dumalaw na grupo ng press kabilang na ang PEP (Philippine Entertainment Portal). "Pero masaya kami, kahit off-camera dahil sama-sama kami palagi nina Bella [Maureen Larrazabal], Lena [Sheena Halili], Lisa [Sheila Mari]), Pakita Pakwan [Paloma] at Cara [Bianca King]. Kami-kami rin ang magkakasama sa room dito sa location, kaya enjoy kami talaga rito." Kumusta naman ang pagganap sa isang period movie na tulad ng Zorro? "Medyo mahirap kasi hindi kami pwedeng mag-ad lib dito, binabantayan namin ang mga dialogues namin. May Spanish lessons din kami at nag-lecture sa amin si Dez Bautista, consultant sa historical accuracy, sa kung paano kami magsasalita, kahit ang pagtawa namin, pinag-aralan namin, hindi pwede iyong nakaugalian naming pagtawa. Ang damit namin, limang layers, medyo mainit, pero nasasanay na rin kami. Ang buhok namin, may extension. "Lahat ng lalaki dito, seni-seduce namin. Pero ako, ang caballero ko rito, si Silverio [Elvis Gutierrez], mabait ang character niya rito, ang parang love interest ko rito," patuloy na kuwento ni Bubbles. "Minsan, halos hindi na kami umuuwi, kasi gusto nina Direk Mark [Reyes] at Direk Dominic [Zapata], available kami lagi kung kailangan." BUBBLES'S THIRD EYE. Nabanggit ni Michelle Madrigal nang makausap din ng PEP, na may "third eye" si Bubbles. May isa raw bahay na nakatayo sa Acuzar compound na dating bahay sa Baler, Quezon. Minasaker daw ang dating mga nakatira rito. Meron din daw bahay na nakatayo roon na dati namang morge. Tinanong tuloy ng PEP kung may "nakikita" ba siya sa mga lumang bahay na ito. "Yes, meron, pero hindi na lang ako nagsasalita para hindi matakot ang mga kasama ko," wika ni Bubbles. "Minsan, may nakita akong babaeng nanonood ng taping, tumango na lang ako. Tanong nila sa akin kung may nakita raw ba ako, sagot ko, hayaan na lang, dahil wala namang ginagawang masama, nanonood lang siya ng taping." Kailan ba niya nalamang may third eye siya? "Matagal na iyon, dati pa may nakikita na ako, pero in denial ako, hindi ko pinapansin. Pero three years ago, ang dad ng friend ko na may third eye din, sabi niya sa akin, malakas daw ang third eye ko. Nag-deny ako sa kanya pero sabi niya, ang lakas daw ng third eye ko at may gustong magparating ng message sa akin. Ngayon, hindi na ako natatakot, nasanay na ako. Pero as much as possible iniiwasan ko rin. "Minsan, nasa Corregidor kami, inaya nila akong pumunta doon sa Malinta Channel, ayaw kong sumama pero pinilit nila ako, alam kong marami akong makikita roon. Ang dami kong nakitang sundalo, nakita ko kung paano sila namatay. "Kaya nang manood ako ng premiere night ng Sundo, nakaka-relate ako sa character ni Robin dahil nakikita nga niya kung sino ang 'sumusundo.'" Biniro namin si Bubbles kung may nakita ba siya during the premiere night. Natawa siya, wala raw naman siyang nakita. Ayaw raw niyang palakasin ang kanyang third eye. Ang brother niyang si Paolo, mayroon din bang third eye? "Nakakaramdam din siya, kahit ang mommy ko, meron din," natatawang wika ni Bubbles. "Kapag natutulog ako, may suot akong Holy Rosary at may katabi akong Holy Water. Habang nagdadasal ako bago matulog at may nakita ako, nag-i-spray ako ng Holy Water para mawala sila." HOLY WEEK PLANS. Malapit na ang Holy Week, saan siya magpapalipas ng Holy Week? "Uuwi po ang buong family sa amin sa Lumban, Laguna, doon lang kami sa bahay namin doon. Mayroon kaming image ni Jesus na isinasama sa procession. Kapag Holy Thursday, nagbi-Visita Iglesia kami, sumasama sa Way of the Cross. Sa Good Friday, ganoon pa rin. Napaka-conservative at very religious ang daddy ko kaya hindi pwedeng hindi namin gawin ang tradisyong iyon tuwing Holy Week. Kami naman, once-a-year lang kaming umuuwi sa aming bahay doon kaya okey lang. "Baka hindi namin makasama ngayon si Paolo dahil pupunta siya sa States, to be with Mylene [Dizon] sa pagsisilang nito this April. Hindi pa namin alam kung ano ang isisilang ni Mylene na miss na miss ko na rin saka si Tomas [first child nina Paolo at Mylene]. Pero gusto ko sana babae naman ang isilang niya, I'm keeping my fingers crossed." THE WALKING SARI-SARI STORE. Bakit ang tawag daw sa kanya "walking sari-sari store"? "Meron po kasi akong isang malaking box na puro pagkain ang laman, from healthy foods to sitsirya, at may isa rin akong malaking box na laman naman ay drinks. Para po ito sa aming lahat, naggo-grocery ako talaga, may chocolates, Pringles, yogurt, cheese, palaman na tuna, sugar-free wheat bread at saka gourmet tuyo. "Minsan, pag inabot na kami ng taping hanggang madaling-araw, may magsasabi na sa akin na ihanda ko na raw ang chocolates ko, para ma-regulate ang sugar nila. Sanay na rin sa akin ang staff, kung sino ang nagugutom, ready iyong "sari-sari store" ko. Gusto ko kasing maraming pagkain kasi if I crave for something na gusto kong kainin, meron akong kakainin." - Philippine Entertainment Portal